(Senate bill suportado ng farmers)MABIGAT NA PARUSA VS AGRI SMUGGLING

SUPORTADO ng grupo ng mga magsasaka ang panukala ni Senador Lito Lapid na amyendahan ang kasalukuyang batas laban sa smuggling sa pamamagitan ng mas malawak na sakop at mabigat na parusang ipapataw.

Ayon sa Philippine Tobacco Growers Association (PTGA), ang Senate Bill 1812 na inakda ni Lapid ay layong masugpo ang ilegal na pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura, kabilang ang asukal, sibuyas at tabako sa bansa.

Kaya panawagan ng PTGA na may 50,000 miyembro ay pagtibayin ang panukalang batas ni Lapid para amyendahan ang Republic Act 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Sa kanyang panukala, nais ni Lapid na palawakin ang sakop ng RA 10845 para maisama ang tabako sa pangunahing listahan ng mga produktong agrikultural na nangangailangan ng sapat na proteksiyon laban sa smuggling.

Sinabi ni PTGA president Saturnino Distor na ang lahat ng industriya sa agrikultura ay dapat iligtas sa malawakang pagpupuslit ng mga produkto na umaagaw sa kabuhayan ng milyon-milyong magsasakang Pilipino at kanilang pamilya.

“Milyong tao ang nakadepende sa industriya ng tabako kasama na ang mga nasa trading, manufacturing at distribution. Naparakaraming magbebenepisyo kung ipapasa ang SB 1812 na naglalayong ituring ang smuggling ng tabako na pagsabotahe ng ekonomiya,” ani Distor.

Sa datos ng National Tobacco Administration, may 2.2 milyong Pilipino ang umaasa sa industriya ng tabako habang 5 hanggang 6 na milyong tao naman ang nakikinabang sa industriya ng asukal base sa tantiya ng Sugar Regulatory Administration.

Ipinaliwanag ni Distor na smuggling ang ikinalulugi ng mga magsasaka na pinapalitan ang mga lokal na ani na nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng mga produkto sa merkado at nagpapahirap sa mga mamimili.

“Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng lokal na produkto ay lalong lumalaganap ang smuggling. Natatalo ang mga kababayan nating magsasaka sa kompetisyon kung ikukumpara sa presyo ng smuggled,” dagdag pa niya.

Base naman sa tantiya ng Bureau of Internal Revenue, ang patuloy na smuggling ng tabako ay nagnanakaw ng P50 bilyon hanggang P100 bilyon sa kita at buwis ng gobyerno kada taon.

Sa pamamagitan ng SB 1812 at ng kahalintulad na House Bill 3917, ang malawakang smuggling ng tabako, kabilang ang mga produkto tulad ng sigarilyo at heated tobacco products, ay ituturing na “economic sabotage” na may karampatang parusa at walang piyansa.

Partikular na nakatuon ang SB 1812 sa pag-amyenda sa Section 4 ng RA 10845 para magpataw ng pagkakakulong ng 30 hanggang 40 taon at multa na doble sa kabuuang halaga ng buwis, taripa at iba pang gastos na nawala sa gobyerno dahil sa smuggling.

Batay sa datos, ang patuloy na problema sa smuggling ay nakaaapekto sa kabuhayan ng may 700,000 magsasaka ng asukal, 35,000 nagtatanim ng sibuyas at 462,000 trabahador sa industriya ng tabako sa buong Pilipinas.

VICKY CERVALES