SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE PASOK SA IMBESTIGASYON SA POGOs

Senador Richard Gordon-3

MAKIKIALAM  na rin ang Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon  sa imbestigasyon kaugnay sa umano’y korupsiyon at iregularidad na kinasasangkutan ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Ito’y kapag pinahintulutan ito ni Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality chairman Risa Hontiveros, na kasalukuyang nagsasagawa ng pagdinig sa alegasyon ng sex trafficking sa POGOs.

“I can always come in with all due respect to my fellow senators. I can motu proprio and say I’ve had enough, may nakikita akong malfeasance dito sa BI, sa Internal Revenue, sa Pagcor. Nag-usap na kami ni Risa (Hontiveros). Sabi ko, ‘When you’re ready, papasok ang blue ribbon with your permission’ dahil siya ang siyempre nag-iimbestiga riyan, siya ang nag-expose.” ani Gordon

Nauna rito, nabunyag sa Senado ang pagkakasangkot umano sa ‘pastillas’ scheme ng ilang  opisyal at empleyado ng Bureau of Immigratin (BI)  para madaling makapasok sa bansa ang mga Chinese worker ng POGOs.

Ani Gordon, sa kasalukuyan ay nagsasagawa  ang kanyang komite ng imbestigasyon sa krimen at ibang isyu kaugnay sa  umano’y iregularidad sa POGOs  gaya ng tax evasion at ang biglang pagdami ng bilang ng mga  Chinese sa bansa.

‘’Yung tina-tax sa kanila, napakaliit. Dapat five percent, ewan ko kung saan nanggagaling ‘yung two percent. Wala naman kaming ginawa sa Kongreso na two percent lang ang ita-tax diyan. At saka uncontrolled ‘yan. Parang gripong pumapasok. December to January, ang pumasok, 530,000 (Chinese nationals). Hindi mo alam kung visa on arrival ‘yon at magtu-tourist, at hindi natin ma-track down,” diin ni Gordon.

Gayundin, tinukoy ng senador ang masamang  epekto ng pagdami ng Chinese workers dahil tumataas ang presyo ng mga property gaya ng apartment at housing unit  na kadalasang ipinauupa sa mga Chinese sa mataas na halaga.

“Ang damage sa ating lipunan niyan, napakalaki. Hindi lang ‘yung kulang ‘yung ibinabayad niyan. Nadi-distort ‘yung values natin at you suddenly have, ang dami-daming mga Chinese na pumapasok dito, sabi tourists, ngayon, maraming POGO,” banggit pa ng senador.   VICKY CERVALES

Comments are closed.