SENATE PROBE HUWAG GAMITIN SA AWAY POLITIKA

NABABAHALA si Senador Francis ‘Tol’ Tolentino na nagiging entablado na ng maruming away pulitika ang isinasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ukol maanomalyang pagbili ng pamahalaan ng mga medical supplies sa pribadong kumpanyang Pharmally.

Sa ika-apat na pagdinig ng Blue Ribbon panel nitong Martes, umapela si Tolentino sa kanyang mga kasamahan na hindi dapat nagagamit ang nasabing komite upang magpalaganap ng hidwaan sa lipunan.

“None of us will go forward, unless we go forward together and united as Filipinos,” ani Tolentino.

Aniya,imbes na gamitin sa batuhan ng putik at pamumulitika na nagiging sanhi ng pagkakahati ng mamamayan, dapat umanong masilbing simbolo ng pag-asa at pagkakaisa ang nasabing Senate panel.

Bagaman naniniwala si Tolentino na ang ginagawang imbestigasyon ngayon ng Blue Ribbon panel ay upang halungkatin ang katotohanan sa umano’y overpricing sa pagbili ng mga medical supply kontra COVID-19 ng pamahalaan, hindi dapat ginagamit ang nasabing pagdinig upang ipitin ng ilang miyembro ng komite ang mga kaaway nila sa pulitika.

Umaasa naman si Tolentino na igagalang ng Ehekutibo ang separation of powers na nakapaloob sa Saligang Batas 1987 at padaluhin sa pagdinig ang mga kawani ng pamahalaan na inimbitahan ng nasabing Senate panel.

Samantala, umapela rin ang senador sa kanyang mga kasamahan na bigyan ng kaukulang na respeto ang opisina ng Pangulo at mismong si Pangulong Rodrigo Duterte rin.

Giit ni Tolentino, hindi dapat mauwi sa takutan at pagpapabanta mula sa magkabilang panig ang ginagawang imbestigasyon.

“Igalang po natin ang karapatan ng isa’t isa, and I say this again—it refers to all, including President Duterte,” paliwanag ni Tolentino.

Hindi bababa sa siyam na panukalang batas ang inihain kamakailan ni Tolentino bilang tugon sa mga nabubunyag sa Pharmally probe upang hindi na ulit maulit ang umano’y iregularidad sa paglustay ng pondo ng taumbayan.

Kabilang sa mga inilatag ni Tolentino ay ang panukalang amyenda sa Administrative Code of 1987 upang ang mga “officers-in-charge” (OICs) ay malimitahan ang kanilang awtoridad sa pagpirma ng mga cheke ng ahensiya; ang panukalang susog sa Government Procurement Act upang limitahan ang Government Procurement Policy Board (GPPB) sa malimit nitong pag rebisa sa kanilang inilitag na implementing rules and regulations (IRRs); at ang panukalang isapormal ang “Filipino First policy” sa ilalim ng government procurement system.VICKY CERVALES

Comments are closed.