SENATE PROBE SA MOTOR TAXI KASADO NA

MOTOR TAXI-3

NAKATAKDANG imbestigahan ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe ang isyu sa motorcycle riding o ang pag-regulate sa mga ito para sa kaligtasan ng mga pasahero at bilang karagdagang mass transportation system sa bansa.

Ang pagdinig ay isasagawa sa Enero 14, alas-10 ng umaga, bilang tugon na rin sa mga panukalang batas na inihain nina Senators Poe, Sonny Angara, Imee Marcos at Ralph Recto.

Aminado si Poe na kinakailangan ngayon ng mga pasahero ng mga alternatibong transportasyon dahil kulang na kulang ang mga pampublikong sasakyan sa araw-araw sa kanilang pagpasok sa mga trabaho, partikular na sa Kalakhang Maynila.

Umaasa ang senadora na ang naturang pagdinig ay makatutulong at makahahanap ng solusyon para sa isyu ng kaligtasan, legal-idad at iba pang isyu sa motorcycle taxi para sa maayos na transport system sa bansa.

Iginiit din ng senadora na kanyang tatanungin sa Department of Transportation (DOTr) ang isyu sa pagpapatupad ng pilot test-ing sa motorcycle taxis na sinimulan noong Hunyo, 2019.

Naniniwala si Poe na ang resulta na kanilang makukuha sa isinagawang pilot testing ay mahalaga upang maging gabay sa pagbalangkas ng batas.

Gayunman, sinabi ni Poe hindi rin maiiwasan na talakayin sa pagdinig kung sino-sino ang mga may-ari ng iba pang motorcycle taxis na nais na pumasok sa transport system sa bansa.  VICKY CERVALES