SINIMULAN na ang pagdinig sa maanomalyang paggamit ng pondo ng gobyerno kaugnay sa road right of way project sa General Santos City na ibinunyag ni Senador Manny Pacquiao.
Pinangunahan ni Senador Richard Gordon, chairman ng blue ribbon committee, ang naturang pagdinig na dinaluhan ng mga opisyal mula sa Deaprtment of Justice, Department of Public Works and Highways, General Santos City local officials, Regional Trial Court Branch 37, Department of Budget and Management, Commission on Audit, National Bureau of Investigation, Bureau of Internal Revenue, Land Registration Authority at iba pang may kaugnayan sa naturang anomalya.
Matatandaang sa privilege speech ni Pacquiao, ibinunyag nito na may sindikato na ginagamit ang pondo ng ilang opisyal ng nakaraang administra-syon ukol sa road right of way project na umano’y spurious o pekeng land titles sa General Santos City.
Sa pagdinig, agad na nag-init ang ulo ni Gordon dahil sa hindi pagdalo ng administrator ng Land Registration Authority ng General Santos City na si Judge Renato Bermejo na matagal nang inabisuhan para sa pagdinig.
Hindi rin dumalo sa pagdinig si Public Works and Highways Secretary Mark Villar at Justice Secretary Menardo Guevarra.
Sa nasabing pagdinig, kinuwestiyon ni Gordon si Noraisa Abdullah, accountant ng Region 7 DPWH, tungkol sa mga overpriced na binayad sa mga road right of way project ng gobyerno sa proyekto ng DPWH noong nakaraang administrasyon.
Ipinakita sa pagdinig ang isang land title ng kapiranggot na lupain subalit, milyon-milyon piso ang halaga ng ibinayad ng gobyerno sa umano’y may ari ng lupa . VICKY CERVALES
Comments are closed.