PINAPURIHAN ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. ang hakbang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na taasan ang suweldo at benepisyo ng mga civilian government employee sa bisa ng Executive Order (EO) No. 64.
“I laud the President for keeping his word. Tinupad niya ang pangako niya noong SONA sa mga kawani ng gobyerno na itataas ang kanilang mga sahod at magbibigay ng dagdag-benepisyo. Alam niya ang danas at sakripisyo ng mga masisipag na empleyado ng ating pamahalaan. Kaya trinabaho talaga niya na maipagkaloob ito nang agaran,” paliwanag ni Revilla.
Base sa EO No. 64, ipatutupad ang pagbabago sa suweldo ng “all civilian government personnel in the Executive, Legislative, Judicial Branches, Constitutional Commission and other Constitutional Offices; Government-Owned or Controlled Corportations (GOCCs) not covered under RA 10149 and EO 150 s. 2021; and local government employees, regardless of appointment status, whether regular, contractual or casual, appointive or elective, and on full-time or part-time basis.”
Bukod sa binagong salary schedule ng mga empleyado ng gobyerno, makakatanggap din ang mga ito ng taunang medical allowance na nagkakahalaga ng P7,000 na magsisimula sa Fiscal Year (FY) 2025 bilang health maintenance organization (HMO)-type benefit.
Ipatutupad ang naturang Executive Order sa apat na bigayan na magsisimula Enero 1, 2024 sa unang tranche, Enero 1, 2025 (2nd tranche), Enero 1, 2026 (3rd tranche) at Enero 1, 2027 para sa fourth and final tranche.
Ang implementasyon ng unang tranche ay magiging retroactive o ipatutupad sa petsang nakasaad.
“Bilang Chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation ay sobra talaga nating ikinatutuwa itong bagong issuance ng Pangulo. The civil servants are the backbone of government service. Without them, we can achieve nothing. Kaya nararapat lang na mabiyayaan sila ng umento sa sahod para pasalamatan at bigyan-halaga ang serbisyo at sakripisyo nila sa bayan,” wika ni Revilla
“Noong nakaraang taon pa lang ay nauna na tayo na naghain ng panukala para sa Salary Standardization VI para itaas ang sahod ng ating mga kawani. Tayo mismo ay nakipagpulong sa Department of Budget and Management para dito. But we are very happy now that it is no less than the President that has authorized this long-anticipated hike on the salaries of government employees. Maraming salamat po PBBM! Mabuhay ang mga kawani ng pamahalaan,” pagtatapos ng beteranong mambabatas.