IBINAHAGI ni Senador Joel Villanueva na positibo siya sa COVID-19 base sa resulta ng kanyang RT-PCR test noong Huwebes ng gabi.
Sumailalim sa test ang senador nang makaramdam ng lagnat at pananakit ng ulo noong Miyerkoles.
“Inabisuhan ko na po ang lahat ng aking nakasalamuha noong mga nagdaang araw tungkol sa aking kalagayan at kasalukuyan po tayong naka-isolate,” aniya.
Dagdag pa ng senador, “Dahil bakunado at boosted po tayo, at sa tulong ng panalangin sa Diyos, malaki po ang tiwala ko na malalampasan natin itong balakid na magpatuloy ang trabaho natin sa Senado.”
Ayon pa kay Villanueva, nagsisilbing inspirasyon niya sa patuloy na pagtatrabaho bilang kawani ng Senado ang mga manggagawa na araw-araw ay nakikipagsapalaran sa pandemya.