SENATORIABLES SUMUPORTA SA ANGKAS

ANGKAS-BAM

BUMUHOS ang suporta ng mga kandidato sa pagka-senador mula sa iba’t ibang partido politikal  para sa muling pag-arangkada ng Angkas, ang nag-iisang app-based motorcycle ride hailing service sa bansa, kasabay ng pagsusulong sa karapatan ng mga motorcycle rider.

Dumalo sina senatoriables Grace Poe, Bam Aquino, Chel Diokno, Bato dela Rosa, at JV Ejercito sa Angkas Safety Fiesta noong Sabado bilang pagsuporta sa pagsisikap na mapalaganap ang tamang safety training sa lahat ng motorcycle riders sa Filipinas.

Nakiisa rin sa mga senatoriable sa pagsuporta sa Angkas si Rep. Winston Castelo, chair ng House Committee on Metro Manila Development, at ang kanyang maybahay na si Councilor Precious Hipolito-Castelo.

Sa nasabing okasyon, nagkaisa ang senatoriables at iba pang kandidato na panahon na upang ipatupad ng pamahalaan ang legalisasyon at regulasyon ng motorcycle taxis.

Nanawagan din sila para sa panunumbalik ng operasyon ng Angkas, kasabay ng pagbibigay-diin na ang kawalang-aksiyon ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ay paglabag din sa karapatan ng mga motorcycle rider. Binigyang-diin ng mga kandidato na ang Angkas ay nagbibigay  ng disenteng hanapbuhay sa daan-libong motorcycle owners sa bansa, bukod sa nakatutulong nang malaki upang maibsan ang araw-araw na kalbaryo ng mga pasahero.

Pinuri ni Senadora Grace Poe ang safety training ng Angkas at sinabing ang nasabing ride-hailing service ay malaking tulong sa paglutas sa mass transport problems sa bansa.

“Ang totoo, ako ay saludo sa Angkas dahil binibigyan kayo ng proper training and guidance. Kailangan natin talaga ang iba’t ibang pagkakataon at modes of transportation. May bus, may jeep, at may MRT, pero kulang pa,” ani Poe.

“Pero ang aking tututukan ay dapat ligtas ang ating mga pasahero. Kaya ako ay nagpapasalamat sa Angkas dahil nagbibigay sila ng tamang training sa inyong lahat,” dagdag pa niya.

Sa kanyang panig, sinabi ni Diokno na isusulong niya ang karapatan ng mga motorcycle rider.

“Naiintidihan ko talaga ‘yung pangangailangan na magkaroon tayo ng isang batas na kinikilala ang karapatan ng mga motorcycle rider upang magkaroon ng hanapbuhay na legal at hanapbuhay na kinikilala ng batas,” ani Diokno.

Ikinuwento naman ni Dela Rosa na siya ay anak ng isang tricycle driver.
“Ako’y anak ng tricycle driver. Motorsiklo ang gamit ng tatay ko. Nagmomotor din ako, kaya kung ako ay manalo, susuportahan ko ang Angkas bill na pending sa Senado,” deklara ni dela Rosa.

Kinatigan din ni Aquino ang pangangailangan ng mga motorcycle rider na magkaroon ng disenteng hanapbuay gamit ang kani-kanilang motorsiklo.

“Lahat tayo na gustong maghanapbuhay, gustong magnegosyo ay hindi dapat pinipigilan,” ani Sen. Aquino.

“Yung Angkas po, maganda ‘yung kanilang framework, maganda ‘yung kanilang app, marami pong natutulungan. Gaya po ninyo na puwede pong maghanapbuhay gamit ang inyong mga motor, at the same time nagbibigay ng mga leksiyon at lecture tungkol sa safety at security ninyo,” dagdag pa niya.

Para naman kay administration candidate Ejercito, na isa ring rider, buong-puso, aniya, ang kanyang suporta sa mga kapwa ka-gulong.  Sinabi ni Sen. Ejercito na may nakabimbin siyang panukalang batas  sa Kongreso na naglalayong tugunan ang isyu sa regulasyon ng motorcycle taxis.