NAKIKITA ng taumbayan kung gaano nunong pusod ng pamumulitika ang Senado, plastikan lamang pala at hindi genuine na serbisyo sa bayan ang espiritung sumasaysay sa kanila.
Tinutumbok ko ang pag-urong ng mga bayag o tapang ng mga maiingay na mga apo ni Ponsyo Pilato, dahil sa pagkakabimbin ngayon ng TRAIN II o ikalawang pakete ng tax reform program ng kasalukuyang administrasyon.
Walang makapag-sponsor dahil sa takot sa kani-kanilang mga multo, samantalang ang TRAIN II ay ukol talaga sa pagbababa at pagtatanggal ng tax na binabayaran ng mga micro and small to medium enterprises na siya naman talagang nagpapalutang sa ekonomiya ng bansa bukod sa trilyong pisong remittances ng ating mga overseas Filipino worker at electronic industry na nangunguna sa export ng bansa.
Ngayon, baka sabihin ninyo natatakot ang mga senador sa taumbayan kaya hindi nila maisponsoran ang TRAIN II, mali po, hindi po naman tatama sa taumbayan ito dahil tatanggalin nga at ibababa ang mga karaniwang taxes na binabayaran ng maliliit na mga negosyante.
Heto ang kinatatakutan nila, ang mga higante at mayayaman! Bakit? Dahil sa ilalim ng TRAIN II wawakasan na ang incentives na ibinibigay sa mga dambuhalang negosyo.
Anong incentives? Ito po ‘yung mga discount at excemptions sa pagbabayad ng tax ng mga dambuhala na karaniwang nasasamantala at nasisindikato.
Example na lang ‘yang tax credit scam, isang uri ng incentive ‘yan e, na sinisindikato ng mga nandiyan nang dati pa sa Department of Finance. Bilyon-bilyong piso ‘yan mga kamasa na naibubulsa lamang ng sindikato ng DOF at ng mga nakaraang executives d’yan. Buti nga nabuking ni Sec. Sonny Dominguez ‘yan e, pero dati na ‘yan.
Ilang mga opisyal ng DOF at mga pribadong kompanya noon ang nakasuhan ukol sa may higit P9 bilyon na anomalya na inipon sa mga bulsa ng mga nagsabwatan mula taong 1992 hanggang 1998 sa ngalan ng Tax Credit Incentive ng pamahalaan. Ngunit namahika ang mga kaso, puro nadismis ng Korte Suprema ang plunder charges na ikinaso sa DOF officials at ang katangi-tanging na-convict ng Sandiganbayan ay ang isang corporate secretary ng isang pribadong kompanya sa kasong graft na ang involved na halaga ay higit P1 milyon lamang.
Heto na naman. Nadiskubre at ibinunyag ni Secretary Dominguez na may P11 bilyon tax credit scam na naman sa departamento. Ang tax credit scam ay direktang pagnanakaw sa kaban ng taumbayan at direktang panloloko sa mamamayan.
Dapat tutukan ito ng pamahalaan, pati na ng National Bureau of Investigation, pulisya at pati na ng media dahil hindi birong raket ito, bilyon-bilyong pisong sindikato ito na umeembudo sa kaban ng taumbayan.
Comments are closed.