MAS nakararaming senador ang pabor para gawing mandatory ang booster shot sa bansa.
Pabor sina Senador Jinggoy Estrada, Nancy Binay, Loren Legarda at Bong Go na gawing mandatory ang booster shot.
Nauna nang iginiit ni Infectious Diseases Expert Dr. Rontgene Solante na panahon na para gawing mandatory ang bakunahan ng booster.
Ayon kay Senador Jinggoy Estrada, sinusuportahan niya ang mandatory COVID 19 booster shot para sa adult population dahil sa muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 at positivity rate.
Sinabi pa nito na tungkulin ng gobyerno na agad na makapagdesisyon hinggil dito at agad na makapagpatupad ng urgent measures para maprotektahan ang mga Pilipino.
Si Senador Binay ay pabor sa booster shot at apela nito na maging mas agresibo ang DOH sa pagbibigay ng proteksiyon para sa priority groups.
Si Senador Bong Go, chairman ng Senate Committee on Health mas nais namang mailapit sa mga tao ang tamang impormasyon hinggil sa bakuna para makagawa ang mga ito ng tamang desisyon.
Si SenadorLegarda, hinikayat ang mga eligible sa booster na magpaturok para sa kapakanan ng pamilya at workforce.
Kung pabor ang nakararaming senador, tutol naman dito ang opposition senators.
Sinabi nina Senators Risa Hontiveros at Koko Pimentel, hindi sila pabor sa mungkahi na obligahin na ang mga Pilipino na magpaturok ng booster shots.
Matatandaan na una nang inihayag ni DOH Usec. Rosario Vergeire na nanatiling boluntaryo ang bakunahan sa bansa. LIZA SORIANO