SENATORS PABOR SA DIPLOMATIC CONSULTATION SA CHINA

ESCUDERO-LACSON

PABOR ang ilang senador sa naging desisyon ng Malakanyang na magsagawa muna ng diplomatic consultation sa pagitan ng China bago maghain ng diplomatic protest kaugnay sa pagkasira ng coral reefs sa Scarborough Shoal.

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, sa anumang pakikipag-ugnayan sa hindi pagkakaunawaan sa ibang bansa ay mas makabubuti na idaan ito sa diplomatic means.

Dagdag pa ni Lacson na ang paghahain muli ng panibagong arbitration case laban sa China ay madudulot lamang ng kaguluhan.

Sa panig naman ni Senador Chiz Escudero, sang-ayon siya sa diplomatic consultation sa pagitan ng Filipinas at China.

Sinabi ni Escudero na sa ordinaryong buhay, pinag-uusapan muna ng magkabilang panig ang anumang problema bago magsampa ng kaso.

Dagdag pa ng senador, kung makukuha sa mahinahon na pag-uusap, bakit hindi muna ito ang dapat na gawin.   VICKY CERVALES

JUSTICE NABAHALA SA PANGINGISDA SA SCARBOROUGH SHOAL

Nagbabala si Supreme Court (SC) Acting Chief Justice Antonio Carpio na tuluyan nang mawawala ang karapatan ng Filipinas na makapangisda sa Scarborough Shoal kapag pinabayaan ng pamahalaan ang China sa kanilang pahayag na pinahintulutan lamang na makapangisda ang mga Filipino sa lugar dahil sa “goodwill”.

Ang babala ay ginawa ni Carpio, kasunod ng kontrobersiya hinggil sa ginawa ng mga Chinese Coast Guard (CCG) sa mga Filipinong mangingisda.

Una nang sinabi ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Geng Shuang na pinapayagan lamang nila ang mga Filipinong mangingisda na makapangisda sa  Scarborough (Panatag) Shoal “out of goodwill.”

Gayunman, iginiit ni Carpio na “immaterial” ang sinasabing goodwill ng China dahil lahat ng ma­ngingisda sa Filipinas, China at Vietnam ay maa­aring pumasok at makapangisda sa lugar dahil ito ay itinakdang “common fishing ground”.

“I’m worried. If we accept their narrative, we will be giving up the legal right to be there,” ayon kay Carpio.

“Whether it’s goodwill or not, it is immaterial because the tribunal said it is a common fishing ground,” dagdag pa ni Carpio.

Una nang nagreklamo ang mga mangingisdang Pinoy na hinihingi ng CCG ang kanilang magagandang huling isda. ANA ROSARIO HERNANDEZ

 

Comments are closed.