BATANGAS-NALUNOD ang isang 25-anyos na lalaki sa Taal lake kahapon ng umaga matapos makipag-inuman sa mga kaibigan sa Barangay Palsara, Balete ng lalawigang ito.
Kinilala ng Balete Municipal police office ang biktima na si Jonathan More Versoza, isang company helper, tubong Sta. Rosa City, Laguna at naninirahan sa Barangay Pasil, Lipa city.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng mga pulis, dakong alas-10 ng umaga nang makipag-inuman ang biktima kasama ang tatlo nitong kaibigan na kung saan ipinagmalaki ni Versoza kaya niyang lumangoy at sumisid sa lawa ng Taal kahit nakainom.
Binawalan umano ito ng kanyang mga kaibigan dahil sa na delikado ang gagawin nito dahil malalim ang nasabing lawa.
Ayon sa testigo na si Michael Arestain, hindi na nila umano napigil si Versoza sa balak nitong paliligo na mabilis itong naghubad at saka tumalon sa lawa.
Nakita pa umano nila na sumisid ang biktima subalit hindi na ito lumutang pa.
Makaraan ang ilang oras ng paghahanap sa biktima, bandang alas-3 ng hapon ay natagpuan ang katawan ng biktima sa tabi ng lawa.
Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang naturang insidente. ARMAN CAMBE