SUPORTADO ni Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes ang kandidatura sa pagka-senador ni dating Quezon City Mayor Herbert Bautista.
Ayon kay Ordanes, subok na ang mga nagawang pagbabago at pagpapaunlad ni Bautista sa lungsod ng Quezon.
“Nakita natin ang mga inilunsad niyang mga programa at proyekto sa QC noong siya pa ang mayor ay lubos na napapakinabangan ngayon. Kahit magkaiba kami ng partido, naniniwala ako sa kanya,” diin ni Ordanes.
“Kahit hindi kami magka-partido, hindi puwedeng hindi ko siya isama sa mga senador ko,” dagdag pa ng namumuno sa House Special Committee on Senior Citizens.
Ayon pa sa mambabatas tama ang sinasabi ni Bautista na marami sa mga kasalukuyang batas ay kailangan nang baguhin dahil hindi makasabay sa makabagong panahon.
Ilan pa sa sinusuportahan ni Ordanes sa mga kandidato sa pagka-senador ay sina reelectionist Sens. Joel Villanueva at Risa Hontiveros, House Deputy Speaker Rodante Marcoleta at dating PNP Chief Guillermo Eleazar.
Sinabi nito, todo-suporta sina Villanueva at Hontiveros sa isinusulong niyang pagtaas ng social pension ng mga senior citizen, si Marcoleta naman ay maraming magagandang panukala na naisulong sa
Kamara at bilib naman siya sa determinasyon ni Eleazar sa pagdidisiplina at maging maayos ang peace and order sa bansa.