“SENIOR CITIZENS”

FRANICS TOLENTINO

SA KULTURA  nating mga Filipino, mataas ang ibinibigay nating pagpapahalaga sa ating mga nakatatandang kasapi. Ayon nga sa Banal na Kasulatan sa Job 12:12: “Nasa mga matanda ang karunungan, at sa kagulangan ang unawa.”  Hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, nais nating maipadama ang ating pagmamahal at pagkalinga. Hindi tulad sa mga mas mauunlad na bansa kung saan iniiwan na lamang sa retirement homes ang mga matatanda upang doon ay alagaan ng mga caregiver, natatangi ang pagpapahalaga at pag-aaruga nating mga Filipino sa ating mga lolo at lola.

Sa maraming pagkakataon na naatasan ang inyong lingkod ng Pangulong Rodrigo Duterte na mamahala sa pagresponde ng pamahalaang nasyunal sa mga kalamidad at krisis sa iba’t ibang bahagi ng bansa, namalas ko ang hirap at pighati ng ating mga kababayan. Nariyang nawalan sila ng tirahan o pag-aari dahil sa bagyo at baha, o kinailangang lumikas para sa kanilang kaligtasan o dili kaya naman ay pinanawan ng mahal sa buhay na hindi  pinalad makaligtas.

Sa gitna ng lahat ng ito, ang mga bata at matatandang biktima ng kalamidad ang lubhang nahihirapan at madalas na kinakailangan ng higit na atensiyon sa loob ng mga evacuation center.

Subalit hindi lamang sa mga pagkakataon ng kalamidad hirap ang ilan sa ating mga kababayang senior citizens. Maging sa pagkakaroon ng hanapbuhay na kanilang kailangan upang tustusan ang kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan, tila salat sila sa suwerte.  Para sa mga nagretiro na sa trabaho at pensionado ng GSIS o ng SSS, hindi marahil ganoon kabigat na isipin ang panustos sa pangangailangan sa pagkain, pambayad sa kor­yente at tubig, pambili ng maintainance na gamot, o pambaon ng anak o apo na nag-aaral pa.

Bagamat may buwanang pensiyon na natatanggap, kung magka-minsa’y hindi pa rin ito sapat sa kanilang mga pangangailangan. Kung yaong may mga inimpok at may pension ay kinakapos, paano pa kaya ang mga senior citizen nating kailangan pang kumayod subalit hindi na matanggap sa trabaho dahil sa kanilang edad?

Hindi rin naman matatawaran ang pagkali­ngang ibinibigay ng ating pamahalaan para sa mga matatandang mamamayan nito. Maraming benepisyong medikal ang ipinagkakaloob sa ­ating mga senior citizen lalong-lalo na yaong mga may karamdaman at sad­yang walang kakayanang makapaghanapbuhay sa sariling pamamaraan.  Subalit nais kong bigyang diin na para sa mga Filipinong sisenta (60) anyos o higit pa na may malakas at malusog pang panga­ngatawan at maaari pang makapag-ambag ng talino at kakayahan sa mga iba’t ibang tanggapan, dapat na mabigyan din sila ng kapantay na pagkakataon na maempleyo at kumita ng salapi para sa kanilang mga pangangailangan.

Kung tutuusin, ang karanasan at kasanayan ng isang mas nakatatandang manggagawa ang kinakailangan upang maituro sa mga mas batang empleyado ang akmang kaalaman at kasanayan sa trabaho. Bukod pa sa  kaalaman at kakayahan na maaring maibahagi ng isang mas matandang manggagawa sa mas nakababatang trabahador, ang disiplina sa trabaho at dedikasyon sa hanap­buhay ay mahahalagang aral ding maaaring matutunan ng mga mas bagong empleyado mula sa kanilang mga senior na makatutulong ng malaki sa ikatatagumpay ng kompanya o tanggapan.

Comments are closed.