SENIOR CITIZENS, MAY OPORTUNIDAD MAGBALIK EMPLEYADO MULI

magkape muna tayo ulit

Bilang isang senior citizen, ako ay natuwa sa nabasa akong balita mula sa House of Representatives kamakailan. Ito ay dahil inaprubahan na sa third and final reading ang panukalang batas upang payagan o bigyan ng pagkakataon muli ang mga senior citizens bilang isang empleyado, maski na umabot na sila sa retiradong edad na 60 anyos.

Ang mga Senior Citizen ang itinuturing na isa sa mga pundasyon ng ating lipunan dahil sa kanilang karanasan, karunungan, at katatagan na nakamtan nila sa ilang dekadang pakikibaka at hamon ng buhay. Malaki ang ambag ng  Senior Citizens bilang mga empleyado at negosyante na tumulong sa ating ekonomiya. Kasama na rin dito ang kontribusyon nila sa paghubog ng ating tradisyon at kultura.

Kaya naman wasto lamang na gawaran at bigyang pugay sila sa pamamagitan ng mga batas na magbibigay ng dagdag benepisyo sa mga senior citizens.

Ang House Bill 10985 o “Employment Opportunities for Senior Citizens and Private Entities’ Incentives Act” ay naglalayon na bigyan ng kapangyarihan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa kanilang Public Employment Offices (PESO) na magbigay impormasyon sa mga senior citizens sa mga posibleng posisyon sa mga kompanya na maaaring muling maging empleyado ang mga ito.

“All government agencies and private entities shall institute an employment program that promotes the gene­ral well-being of senior citizens and ensures access to employment opportunities to those who have the qualifications, capacity, and interest to be employed,” the bill also provided.”

Nakasaad din sa HB 10985 ang mga posibleng posisyon na maaaring nilang pasukan upang maging empleyado muli tulad ng “clerical or secretarial works, consultancy, cleaning or janitorial services, event organizing, teaching, kitchen help, sales assistance, BPOs and other jobs or volunteer works.”

Dagdag pa sa HB 10985 na ng pribadong sektor na mag i-empleyo ng senior citizen, kapag ito ay naisabatas na, ay magkakaroon ng karagdagang deduction na 25% sa kanilang annual statement of gross income dulot ng sahod, benepisyo at training na isinagawa sa mga empleyado nilang mga senior citizens. Libre na rin ang lahat ng mga senior citizen sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno sa mga pagbabayad ng mga dokumentong kailangan para sa kanilang muling pagiging empleyado tulad ng birth certificate, police clearance, medical certificate at iba pa.

Pinangunahan ang HB 10985, bilang principal author, ay si Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na siyang chairman of the Committee on Senior Citizens. Kabilang din sa mga author ay sina Sergio Dagooc (APEC party-list), Salvador Pleyto Sr. (Bulacan 6th District) and Bro. Eddie Villanueva of Citizens Battle Against Corruption Party-list.

Kapag ang nasabing panukala ay pinirmahan ni Pangulong Marcos bilang batas, magsisilbing am­yenda na rin ito Republic Act 7432, entitled “An Act to Maximize the Contribution of Senior Citizens to Nation-Building, Grant Benefits and Special Pri­vileges” na pinirmahan ng yumaong President Cory Aquino noong April 1992.

Ako ay natutuwa sa nasabing HB 10985. Sa aking mga biyahe sa ibang bansa, nakikita ko ang mga senior citizens na patuloy pa rin nagtatrabaho. Hindi man mabigat o nakakapagod ang uri ng kanilang trabaho, subalit malaking tulong ito sa mga nakakatandang mamamayan ng ating bansa na magkaroon ng pakiramdam na may saysay pa ang kanilang buhay sa lipunan maski na retirado na sila. Mabuhay ang mga mambabatas ng House of Representatives na nagpasa ng batas na ito. Es­pesyal na pagpupugay kay Cong. Rodolfo “Ompong” Ordanes ng Senior Citizens Partylist!