SENIOR CITIZENS NANGANGANIB DULOT NG KAKULANGAN NG SUPLAY NG KORYENTE

Aaminin ko, ako ay isa nang senior citizen. Subalit patuloy pa rin na pinangangalagaan ang aking kalusugan. Regular ang aking ehersisyo, medyo maingat sa pagkain at paminsan minsan ay umiinom ng alak. Hindi ako naninigarilyo at kailanman ay hindi gumamit ng ipinagbabawal na droga. Sa madaling salita, maingat ako sa aking pangangatawan at nag- eenjoy pa rin sa buhay.

Ngunit hindi lahat ng senior citizen ay tulad ng aking kundisyon. Dagdag pa rito ay kaka- senior citizen ko pa lang.

Iba ang kondisyon ng mga kagrupo ko na nasa edad 70 pataas. Hindi na gaanong malakas ang kanilang pangangatawan.

Kaya naman marami sa mga senior citizen ay nanganganib ang kalusugan dulot ng sobrang init ng panahon. Ang record heat index sa ibang parte ng Pilipinas ay umaabot na sa mahigit 45 degrees celsius. Hindi na biro ito. Kung mapapanasin ninyo sa ating kapaligiran, ultimong mga dahon ng saging ay naninilaw dulot ng tindi ng araw.

Maraming halaman ang namamatay maski na patuloy ang pagdilig sa mga ito.

Ayon sa PAGASA, maaaring magpatuloy ito sa susunod na dalawang linggo. May mga naiulat na namatay dahil sa sobrang init. Paano na ang mga senior citizen?

Kaya naman nagbigay ng pahayag si Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes, Senior Citizen Partylist na ang mga nasa edad 65 pataas ay mas mataas ang panganib sa mga heat-related na sakit dahil mas nahihirapan na mai-regulate ang temperatura ng katawan dulot ng edad.

“Senior citizens are vulnerable to heat stroke, if they are not used to high temperatures. Ayon sa medisina, ang mainit na panahon ay maaaring magpalala ng hypertension, sakit sa puso at mga problema sa baga at bato,” ang paliwanag ni Ordanes.

Kaya naman mahalaga na masiguro ang sapat na suplay ng koryente upang maiwasan ang brownout nitong panahon ng tag-init.

Oo nga naman. Malaking bagay kapag nasa loob tayo ng silid at naka air condition o maski na electric fan sa kasagsagan ng tag-init. Hindi kasi talaga biro ang pagtaas ng heat index na nararanasan natin ngayon.

Kaya naman nanawagan si Ordanes sa ating pamahalaan na paigtingin ang programa upang magkaroon tayo ng kasiguraduhan ng suplay ng koryente. Ito ay nag-ugat ng ilang beses na anunsyo ng NGCP na yellow at red alert sa Luzon at Visayas nito mga nakaraang linggo. Ang ibig sabihin ay maaaring magkaroon ng brownout kapag nagkulang tayo ng suplay ng koryente.

Sa totoo lang, ang ating bansa ay nasa bingit ng kakulangan ng enerhiya. Ito ay dahil sa problema sa tinatawag na sufficient capacity, lalo na yung sinasabing baseload power source na siguradong magbibigay sa mga pangangailangan natin ng koryente maski na sa ganitong panahon ng tag-init. Kulang tayo nito. Tsk tsk.

“We are now in a situation in which our power supply is simply low and knotty to solve. The last thing we want to happen is for certain groups to hamper this administration and the private sector to solve the nation’s energy security,” ang paliwanag ni Ordanes.

Nag- aalala si Ordanes sa mahigit na 12 million na senior citizen na naapektuhan dahil sa mga ilang sektor na humaharang sa progreso ng ating bansa at nagpapatigil sa mga programa sa pagtatayo ng dagdag ng power plants sa ating bansa.

Ayon sa datos ang Pilipinas ay may kabuuan na 28,297 megawatts (MW) nitong June 2023. Samantalang ang tinatawag na peak demand ay umaabot sa 17,000 MW. Kinakailangan ng bansa ng dagdag 8,000 MW sa tinatawag na power generation capacity upang maitawid ang tinatayang 25,000 MW peak demand pagdating 2028.

Eh kung may mga grupong pulos tutol sa mga plano ng gobyerno at pribadong sektor na magtayo ng dagdag enerhiya sa ating bansa, siguradong parehas pa rin ang mararanasan natin sa mga darating na taon. Pulos yellow at red alert. Isama pa natin ang posibleng brownout.

“It is of the best interest of consumers that include many senior citizens if new power projects will be developed as soon as possible,” ang mariin na pahayag ni Ordanes.