SENIOR CITIZENS, PWDs HUWAG  NANG PAPILAHIN PARA SA SAP

UMAPELA si House Assistant Majority Floor Leader at ACT-CIS party-list Rep. sa pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na huwag obligahin ang mga senior citizen at persons with disability  (PWD) na pumunta sa itinalagang ‘pay out center’ para sa Social Amelioration Program (SAP) ng ahensiya.

Kasabay nito, kinatigan ng naturang ranking lady house official ang naunang iginigiit nina Speaker Alan Peter Cayetano at Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ang sistemang ‘house-to-house’ ang pinakamabuting paraan sa pagpapatupad ng nasabing cash assistance program ng DSWD.

“Sa simula pa lamang po, sa pagbibigay ng SAP forms at pera ng mga qualified na pamilya ay malinaw na ang sinabi ni Speaker Cayetano at maging si Secretary Año, na dapat ay house-to-house ang gagawin ng mga tauhan ng DSWD. Nakalulungkot po na may nabalitaan tayo na may ilang senior citizens at PWD na ang napahamak dahil pinapila at nainitan sila ng matagal para lang makuha ang cash assitance na para sa kanila,” sabi pa ni Taduran.

Nabatid na isang senior citizen ang diumano’y na-stroke at kalaunan ay binawian ng buhay habang nasa pila sa kanilang barangay sa Marilao, Bulacan. Nais lamang daw alamin ng biktima kung bakit wala pa rin siyang natatanggap na abiso tungkol sa SAP kaya pumunta sa barangay hall.

Sa Bacolod City, dead-on-arrival naman ang 84-anyos na lalaki nang makaramdam ng paninikip ng dibdib matapos na pumila ng ilang oras sa mainit ng sports gym para hintayin ang SAP cash distribution sa kanilang lugar.

Mayroon namang isang PWD sa Imus, Cavite ang sinabihan umano ng social welfare personnel na dapat ay personal nitong kunin ang cash aid niya at dahil nangangailangan ng panggastos, kahit hirap ay napilitan ang una na pumunta sa local office ng DSWD. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.