QUEZON PROVINCE-NASAWI ang isang senior citizen matapos itong matabunan ng gumuhong lupa bunsod ng landslide sa may bahagi ng Sitio Subok, Barangay Aluyon Municipal Island ng Burdeos sa lalawigang ito.
Kinilala ni Acting Provincial Director Col. Ledon Monte ang biktima na si Eli Alberto y Señar, 79-anyos na residente ng nasabing lugar.
Base sa report ni Monte, dakong alas-7:30 ng gabi nitong Linggo nang maganap ang landslide at kahapon ng alas-9:45 ng umaga nang makuha at marekober ang bangkay ng biktima ng grupo ng MDRRO Rescue Team at BFP Rescue Team.
Samantala, sugatan naman ang isang barangay kagawad na si Jonathan Santoalla na residente ng Barangay, Bañadero, Municipal Island ng Polillo,Quezon makaraang aksidenteng mahulog sa bubong ng kanilang bahay habang nagkukumpuni at nag-aayos ng bubungan ng bilang paghahanda sa super typhoon Karding nitong alas- 3 ng hapon ng Linggo.
Agad namang nadala ang kagawad sa Polillo Medicare Hospital na nagtamo ng mga sugat at galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa dagdag na ulat ng Quezon PNP at Quezon PDRRMO wala namang nagsaradong mga daan at highway sa buong lalawigan ng Quezon na kung saan passable ang lahat ng pangunahing kalsada at hindi maabala o maiistranded ang mga motorista na patungo ng Bicol Region at Visaya.
Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy pa rin ang PNP at PDRRMO sa ginagawang pag-iimbestiga at pag-ikot sa lalawigan ng Quezon kung may madadagdag pang casualty ng bagyong Karding at kung magkano ang halaga ng napinsala mga ari-ariang nasira ng super typhoon. BONG RIVERA