HINDI na umabot ng buhay sa ospital ang isang senior citizen nang maatrasan ng nakaparadang kotse na nabangga naman ng isa pang sasakyan sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang biktima na si Vicente Amion y Benoeles, 61-anyos, may-asawa, Kuliglig motor driver at nakatira sa Ph9 Pkg 3C Blk 19 Lot 4, Bagong Silang, Caloocan City.
Lumabas sa imbestigasyon ng Manila Traffic Enforcement Unit, pasado alas-12 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Bilboa Street corner P. Herrera Street, Brgy 2, Tondo, Maynila.
Napag-alaman na magpa-park ang kulay puting Mitsubishi L200 na may plakang NBU 5539 na minamaneho ni Ronaldo Paclita y Cabarles, 30-anyos, binata, company driver at residente ng 1069 Bilboa Street, Tondo, Maynila sa may kahabaan ng Bilboa Street kanto ng P. Herrera Street, Brgy 2, Tondo, Maynila.
Sa puntong iyon, nakaparada naman ang isa pang sasakyan na kulay puti ring Mitsubishi L300 na may plakang WAO910 at pag-aari ni Annalisa Aklan nang mabangga ni Paclita.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, nasa likuran ng sasakyan ni Aklan ang biktima kaya ito ay naatrasan at nagtamo ng pinsala sa katawan.
Naisugod pa ito sa Gat Andres Memorial Hospital for Medical ngunit idineklarang dead on arrival.
Mahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property si Paclita . PAUL ROLDAN