OPISYAL na inanunsiyo ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagpapatigil sa programa ng Senior High School (SHS) Program sa State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs).
Sinabi CHED Chairman J. Prospero de Vera III ang pagpapalabas sa isang Memorandum mula sa tanggapan ng Chairperson na may petsang Disyembre18.
Nakasaad sa memorandum ang “discontinuance” ng SHS Program sa SUCs at LUCs.
Ang desisyong ito ay alinsunod sa naunang direktiba ng CHED sa pamamagitan ng CMO Nos. 32 at 33 series ng 2015 at 2016.
Ayon sa naging direktiba ang “engagement” ng SUCs at LUCs sa basic education sa senior high school ay limitado na lamang sa mga nasasakop ng K-12 transition period, mula SY 2016-2017 to SY 2020-2021 lamang.
Ipinaliwanag ni De Vera na nagpalabas din ang Department of Education (DepEd) ng notice sa pamamagitan ng Private Education Assistance Committee (PEAC) na simula SY 2023-2024, wala nang government assistance sa mga estudyante at guro sa private education beneficiaries mula SUCs at LUCs.
Gayunman, exempted pa rin ang mga papasok sa Grade 12 sa SY 2023-2024 para makumpleto ang kanilang basic education. Ang SUCs at LUCs na may laboratory schools ay maaaring tumanggap ng enrollees subalit hindi na tatanggap pa ng vouchers.
Bilang tugon sa ganitong pagbabago, inatasan ni De Vera ang SUC Presidents at Officers-In-Charge (OICs) na dalhin ang pagpapahinto sa senior high school sa SUCs sa kani-kanilang SUC BOR (Board of Regents)/BOT (Board of Trustees).
Binigyang-diin nito na wala na umanong “legal basis” para pondohan ang SHS Program.Idagdag pa na hinikayat ng CHED ang SUCs na may laboratory schools na iprisenta sa Board ang financial implications at notice ng DepEd kaugnay sa “non-issuance of vouchers for senior high school enrollees in SUCs.”
“Additionally, they should ensure compliance with CMO No. 32 Series of 2015, which stipulates that after the K to 12 transition period, laboratory schools shall cap enrollment at 750 students,” ang nakasaad sa naturang memorandum.
Ang SUCs and LUCs na may laboratory school ay maaari pa rin umanong tumanggap ng enrollees subalit wala nang vouchers, ayon kay De Vera. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia