MAAARI pa rin magparehistro ang mga indibidwal na nasa 18 hanggang 21-anyos ang edad, gayundin ang mga senior citizens kahit may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito ang nilinaw kahapon ng Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James kasunod ng ulat na may mga eligible voters ang tinatanggihan umanong irehistro.
Ayon kay Jimenez, bagamat may limitasyon ang mobility ng mga 21-year old pababa at mga senior citizen sa ilalim ng polisiya ng Inter Agency Task Force (IATF), ay papayagan na silang magparehistro kung sila ay nasa registration center na.
“Ang sinasabi po ni Atty. Bonifacio, may limitasyon po sa mobility ng 21 years old pababa at senior citizens under IATF (Inter-Agency Task Force) policy. Pero kapag ikaw ay nasa registration center na at kayo ay eligible to vote, makakapag-register po kayo,” paliwanag ni Jimenez, sa panayam sa radyo, na ang tinutukoy ay si Atty. Gregorio Bonifacio, na siyang election officer ng poll body, na nakatalaga sa National Capital Region (NCR).
“Kahit po may limitation sa mobility, kapag andu’n na kayo sa Comelec at eligible po kayo, kayo po ang parerehistrohin. Hindi po dahilan na bawal sila lumabas kaya hindi parerehistrohin kasi nasa labas na nga sila,” aniya pa.
Kasabay nito, muli namang hinikayat ni Jimenez ang mga eligible voter na magpa-appointment kung magpaparehistro o i-download at lagdaan ang registration form na maaaring i-access sa kanilang website sa www.comelec.gov.ph , bago magtungo sa tanggapan ng Comelec.
“Iyong appointment system po natin ang ine-encourage. Puwede po silang tumawag sa landline o sa cellphone, mag message sa Facebook pages ng Comelec. Pero alam naman po natin na hindi lahat may kakahayan magpa-appointment kaya po encouragement lamang ito, hindi mandatory,” aniya.
“Pero iyon pong nagpa-appointment, una po iyon sa pila. Hindi po mabibigyan ng kaparehong priority ang walk-in, kaya ine-encourage po na magpa-appointment. If all of that fails, pumunta ka. Puwede naman iyon,” aniya pa.
Pinaalalahanan din niya ang mga magpaparehistro na ang kanilang registration form ay dapat na lagdaan lamang kapag nasa Comelec office na, at sa presensiya ng election officer.
Hinihikayat ang mga magpapatala na magdala ng kanilang sariling ballpen.
Sa kabilang dako, sinabi rin ni Jimenez na tatalakayin ng poll body ang panawagan ng ilang Metro Manila mayors na itigil munang muli ng Comelec ang voter registration habang may COVID-19 pandemic pa, dahil maaari anila itong mauwi sa mass gathering.
Matatandaang ang voter registration ay muling sinimulan ng Comelec nitong Setyembre 1, sa mga lugar na nasa ilalim na ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ).
Isinasagawa ito mula Martes hanggang Sabado, kabilang ang holiday, mula 8:00 AM hanggang 3:00 PM sa Office of the Election Officer (OEO) sa mga lugar kung saan nakatira ang botante.
Pinaalalahanan naman ng Comelec ang mga registrant na dapat na magsuot ng face mask at face shields, obserbahan ang physical distancing, at tumalima sa iba pang mga health protocols na ipinaiiral sa mga Comelec offices, gaya nang pagdaan sa foot bath, paglagda ng health declaration form, gamit ang kanilang sariling ballpen, pag-sanitize ng kamay, bago at matapos gamitin ang signature pad at fingerprint scanner; at pagtatanggal lamang ng mask at shield kung kukuhanan na ng biometrics data.
Dapat din umanong kaagad nang umalis sa tanggapan ng Comelec ang mga botante sa sandaling matapos magparehistro. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.