SENIORS EXEMPTED NA SA INCOME TAX

ISANG panukalang batas ang inihain ni Congressman Toby Tiangco sa Kamara na nagbibigay ng income tax exemption para sa lahat ng senior citizens.

‘’Majority of Filipino senior citizens do not have financial security. The pension and benefits they receive upon retirement are not enough to sustain their basic needs. Some even do not have a retirement plan at all,” ani Tiangco.

Ang umiiral na Republic Act No. 9994 ay nagsasaad ng income tax exemption para lamang sa mga senior citizen na itinuturing na minimum wage earners.

Samantala, ang panukalang House Bill No. 6891 ay naglalayong palawakin ang saklaw ng income tax exemption sa lahat ng senior citizens anuman ang income bracket.

Ayon sa isang pag-aaral, mahigit 800,000 Pilipino na may edad 60 pataas ang nabubuhay sa ilalim ng poverty threshold na P71 kada araw.

“We want to help improve the quality of life of our seniors. This, in effect, could maximize their contribution to nation building,” anang kongresista. EVELYN GARCIA