SENIORS MAY DISCOUNT SA PASSPORT

PASSPORT

BIBIGYAN ng diskuwento sa passport application at renewal ang mga senior citizen.

Ito ang nakapaloob sa inaprubahang substitute bill ng House Committee on Foreign Affairs na layong amyendahan ang “Philippine Passport Act of 1996” kung saan lilimitahan at sisimplehan ang mga requirement sa aplikasyon at pag-iisyu ng iba pang dokumento para makapaglakbay.

Ayon kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, may akda ng panukala, ginagarantiya ang pagbibigay ng 32% discount sa bayad ng mga senior citizen sa kanilang pasaporte at maging sa processing fees.

Bukod dito, hindi na rin oobligahin ang mga matatanda na personal na kumuha ng passport dahil papayagan na ang online sa passport application at renewal ng mga senior citizen.

Pinapayagan din sa ilalim ng panukala ang pag-iisyu ng emergency travel document sa kahit sinong Filipino na may urgent travel ngunit nawala o nag-expire na ang pasaporte.

Sinabi ng kongresista na napagkasunduan ng mga miyembro ng komite na ilagay ito sa panukala bilang pagkilala sa yumaong kongresista na si Sen-ior Citizen Partylist Rep. Francisco Datol Jr.

Nakapaloob din sa nasabing bill ang paglalagay ng mapa ng bansa kasama ang exclusive economic zone (EEZ) at ang Sabah upang maipakita sa mga banyaga ang matatag na claim ng Filipinas sa ‘sovereign rights’ sa West Philippine Sea at sa nasasakupang teritoryo. CONDE BATAC

Comments are closed.