PINAPAYAGANG kumain ang mga senior citizen sa dine-in restaurants bagama’t hinihikayat pa rin silang manatili sa bahay, ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez.
Ani Lopez, bagama’t pinapayuhan ang matatanda na manatili sa bahay dahil sila ang pinakamadaling mahawaan ng COVID-19, pinahihintulutan pa rin sila ng pamahalaan na lumabas para sa ilang kadahilanan.
Noong nakaraang buwan ay pinayagan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang mga senior citizen na lumabas para magtrabaho sa authorized sectors, bumili ng gamot at essential goods o magpagamot.
“‘Yung mga senior na kailangan sa trabaho, lumalabas sila or may errands bumibili sila [ng gamot o anumang pangangailanga] ‘yung mga nakakalabas po… which means puwede silang kumain sa mga restaurants,” wika ni Lopez.
Inaprubahan ng pamahalaan ang pagbabalik-operasyon ng dine-in services sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) simula Hunyo 15, ngunit sa 30% operating capacity.
Ang pagbabalik ng dine-in services sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community ay pinayagan naman sa 50% capacity.
Samantala, maaari na ring payagan ang buffet bars at services na magbalik sa operasyon subalit ang kanilang self-service setup ay kailangang baguhin.
“Original setup ng buffet hindi kasama kasi naka-expose ang pagkain,” ani Lopez.
“Pero kung may situation ito ay nakatakip at may server, ito ay puwede rin naman ang ganitong setup,” dagdag pa niya.
Comments are closed.