CAVITE- UMAABOT sa 3,000 residente kabilang ang seniors at PWDs mula sa tatlong bayan sa lalawigang ito ang napabilang sa beneficiaries ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa ilalim ng programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang si Senadora Imee Marcos kamakalawa.
Aabot sa P3K kada beneficiaries mula sa mga bayan ng Silang, Tanza at Naic sa nasabing lalawigan kabilang na mga solo parent, drivers, magsasaka at mangingisda na nasa marginalized sector.
Bukod sa naipamahaging halaga sa beneficiaries at naglaan din ng P5 milyong pondo si Senadora Imee para sa KADIWA enhanced grant Agri Tayo program sa bawat LGUs bilang tulong sa mga magsasaka at mangingisda kaugnay sa food processing ng kani-kanilang produkto.
Gayundin, inihayag ng Senadora na isinusulong niya ang hybrid election kaugnay sa nalalapit na barangay election kung saan hindi fully automated ang bilangan upang alisin ang pagdududa ng mga botante sa vote counting machines (VCM).
Maging ang isyu ng EDCA ay binanggit ng Senadora na kinakailangang suriin kaugnay sa itatayong apat na bagong base militar ng US sa bahagi ng Norte na napakalapit sa Taiwan kung saan ayaw niyang madamay ang bansa sa kasalukuyang sigalot sa pagitan ng Amerika at Tsina dahil sa walang kahandaan ang bansa sakaling sumiklab ang giyera. MHAR BASCO