SENIORS, PWDs BIBIGYAN NG TRABAHO

INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Pasay na magkakaroon na ng pagkakataon na muling makapagtrabaho ang senior citizens at persons with disabilities (PWDs) sa lungsod.

Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang kuwalipikadong seniors at PWDs sa lungsod ay mabibigyan ng tsansang makapagtrabaho sa McDonald’s food chain.

Ang mga trabaho sa isa sa pinakasikat na fast food chain ay magbubukas sa seniors at PWDs kapag natuloy na ang napipintong paglagda ng memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng McDonald’s Philippines na magaganap sa Agosto 30.

Ang paglalagda ng MOA ay bahagi ng programa ng lungsod upang matulungan ang senior citizens at PWDs at nagsisilbi ring birthday treat sa mga residente na bahagi na rin ng isang buwang selebrasyon sa kaarawan ng alkalde.

Magsasagawa rin ang lokal na pamahalaan ng job fair na mag-aalok ng trabaho sa mga aplikante na magaganap sa session hall ng Pasay City Hall na matatagpuan sa ika-apat na palapag ng gusali mula alas-9 ng umaga hanggang alas- 4 ng hapon kung saan lalahukan ito ng 24 na kumpanya. MARIVIC FERNANDEZ