SENIORS, PWDs SWAK SA MCDO JOBS

MCDO

MAGKAKAROON na rin ng pagkakataon ang mga senior citizen at Person with Disabi­lity (PWD) na makapagtrabaho sa isa pang higanteng fast food chain sa lungsod ng Maynila.

Ito ay makaraang lagdaan ang isang Memorandum of  Agreement (MOA) sa pagitan ng pamahalaang lokal ng Maynila at ng McDonald’s Philippines para sa pag-empleyo ng mga senior at PWD sa mga sangay ng naturang fast food chain.

Pinasalamatan ni Manila Mayor Isko Moreno ang pamunuan ng McDonald’s sa pagbibigay ng pagkakataon sa PWDs at senior citizens na mu­ling makapagtrabaho at maging produktibong mamamayan ng lipunan.

Sa ilalim ng kasunduan, 80 senior citizens at 40 PWDs ang tatanggapin sa mga sangay ng McDo­nald’s.

Isasailalim sila sa pagsasanay at kapag nakatapos ay itatalaga bilang mga order presenter, drink drawer, table manager at overall guest relations officer.

Magtatrabaho ang mga senior na hindi hihigit sa 4 na oras mula alas-8 ng ­umaga hanggang alas-4 ng hapon, at ala-1 ng hapon hanggang alas-5 ng hapon, habang ang PWDs ay magsisilbi bilang regular crew members na hindi hihigit sa 8 oras.

Samantala, iniha­yag ni Manila Police District (MPD) Chief Gen. Vicente Danao na libre na ang police clearance para sa mga senior citizen at  PWD na isa sa requirements sa pag-a-apply ng trabaho.   PAUL ROLDAN

Comments are closed.