TINATAYANG aabot sa 25 milyong Filipino ang mapagkakalooban ng National ID sa susunod na taon subalit sa kagustuhan ng pamahalaan na mapabilis ang pagbibigay serbisyo ng gobyerno sa mga maralita ay bibigyang prayoridad ang mga senior citizen, person with disabilities (PWDs) at ang mga benepisyaryo ng conditional at unconditional cash transfers.
Ito ay oras na lumabas na ang Implementing Rules and Regulation para tuluyan nang maipatupad ang Philippine Identification System (PhilSys) o national I.D. system.
Ayon kay National Statistician at Philippine Statistics Authority (PSA) chief Lisa Grace Bersales, ang mga nabanggit ay kanilang uunahing mabigyan ng National I.D.
Inaasahang matatapos na sa susunod na buwan ang IRR ng inaprobahang batas na ganap na naging epektibo nitong Sabado, Agosto 25.
Target na mailabas ng PSA ang IRR sa buwan ng Oktubre upang mapasimulan na ang e pilot registration ng tinatayang isang milyong households hanggang buwan ng Disyembre at 25 milyon sa susunod na taon.
Sa kalkulasyon ay aabutin ng apat na taon upang ganap na mairehisro at mapagkalooban ng ID ang lahat ng Filipino o kabuuang populasyon ng Filipinas.
“The PHILSYS is entirely independent system from the civil registry system,” ani Bersales na naniniwalang sa darating ng mga taon ay tuluyan nang mababalewala ang mga government issue ID gaya ng SSS, GSIS, Philhealth at BIR TIN ID maliban sa mga functional identification gaya ng driver’s license at passport.
Samantala, inihayag ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Nestor Espenilla na malaki ang papel na gagampanan ng National ID System sa ekonomiya ng bansa gaya halimbawa ng nililikhang digital highways para mailapit ang financial services sa mas nakararaming Filipino.
“The National ID is very important. In fact we’ve always identified that as a key element that will actually fast track everything and for that purpose the BSP actually has been an active collaborator with the other government agencies in getting this law enacted,” pahayag pa ng BSP governor.
“Now with technology and the fact that a lot of our people are very digital savvy, particularly with the mobile phone, that’s a great opportunity to be able to deliver financial services,” ani Espenilla. VERLIN RUIZ
Comments are closed.