SENIORS UNAHIN SA SUPERMARKETS, GROCERIES, DRUGSTORES

INATASAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga supermarket, grocery, drugstore at iba pang establisimiyento sa bansa na pinayagang mag-operate sa Luzon-wide enhanced community quarantine dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) outbreak na iprayoridad ang mga senior citizen customer.

Sa isang memorandum circular, sinabi ng DTI na ang mga may edad 60 at pataas ay dapat papasukin agad sa mga establisimiyento at asistihan bago ang mga ordinary buyer.

“Establishments are encouraged to designate a ‘Seniors Only‘  shopping hour, although the elderly customers may also choose to make their purchases even beyond such designated hour,” nakasaad sa memorandum.

Bukod sa karaniwang  Senior Citizens lane, isang express lane para sa elderly customers na bibili ng 25 items o mas kaunti ang ipinalalagay sa naturang mga establisimiyento.

Ang mga kinakailangang notices para sa pribilehiyong ito para sa senior citizens ay dapat na ipaskil sa publiko, kapwa sa English at Filipino.

Nakasaad din sa circular na nilagdaan ni DTI Secretary Ramon Lopez III ang pagpapataw ng parusa sa ilalim ng Senior Citizens Act kapag nilabag ang anuman sa nasabing mga probisyon.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang matatanda at yaong may pre-existing medical conditions tulad ng high blood pressure, heart disease, lung disease, cancer o diabetes, ang lumilitaw na nakaka-develop ng mas malubhang sakit kapag tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Comments are closed.