NIRERESPETO ni Senator Christopher Bong Go ang paninindigan ng mga Local Government Unit (LGUs) na takot tanggapin ang repatriates na mga Pinoy mula sa Wuhan City sa China.
Ani Go, batid niyang nangangamba lang ang mga LGU tulad ng Nueva Ecija at Capas, Tarlac na baka mahawa ang kanilang mga nasasakupan sa kinatatakutang nCoV.
Bagaman, naiintindihan ng senador ang sentimiyento ng LGUs, dapat pa ring bigyan ng nararapat na aruga ang mga OFW na naipit sa ground zero ng nCoV dahil kaya lang naman lumayo ang mga ito ay upang mabigyan ng mas magandang buhay ang kanilang mga iniwang pamilya sa bansa.
Iginiit ng senador, hindi kasalanan ng mga Pinoy na naipit sa ganitong sitwasyon kaya marapat na masigurong matapos ang 14-day quarantine ay agad makabalik na sila sa kanilang pamilya at normal na pamumuhay.
Nilinaw naman ni Go na wala siyang sama ng loob sa mga LGU at mga kababayang takot sa pagtanggap sa mga repatriates dahil tulad ng marami, nangangamba lang din sila sa kanilang kalusugan at kaligtasan.
Binigyang-diin pa nito, ang mahalaga ay magtulungan na lamang, huwag magpanik at higit sa lahat ay huwag nang magpakalat ng fake news na nakadaragdag sa pag-aalala ng sambayanan. VICKY CERVALES
Comments are closed.