SENYALES NG UNDER-EATING

UNDER-EATING

(Ni CT SARIGUMBA)

PAGKAIN ang isa sa hindi puwedeng mawala sa pang-araw-araw nating pamumuhay. Isa nga naman ang pagkain sa nakapagbibigay sa atin ng lakas. Nakatutulong din ito upang maging masaya tayo sa kabila ng samu’t saring problemang ating kinahaharap. Ligaya rin kasi ang hatid sa atin ng pagkain lalo na’t paborito natin ito. Kabilang din ito sa pangunahing pangangailangan ng tao nang mabuhay at malampasan ang pagsubok na kahaharapin sa mundo.

Hindi nga naman maitatanggi na tayong mga Filipino ay napakahilig sa pagkain.  Isa sa pruweba nito ay ang galing nating mag-imbento ng iba’t ibang putahe. Nariyan ding mas napasasarap pa natin ang mga ginaya nating pagkain na mula sa mga dayuhan.

Hindi lamang din tatlong meal sa isang araw tayo kung kumain kundi may in between pa o merienda. Sanay na nga naman tayong magmer­yenda. At kapag nag-crave tayo ng pagkain, hindi tayo tumitigil hangga’t ‘di natin ito natitikman o nakakain.

Ngunit sabihin man nating isa ang pagkain sa hindi puwedeng ihiwalay o kailangan ng ating katawan, may mga pagkakataon pa ring hindi sapat ang ating kinakain. Na hindi natin nakukuha ang tamang nutrisyong kaila­ngan ng katawan. May ilan kasing pili lang ang kinakain. Samantalang ang iba naman, tinitiis ang sarili.

Kaya naman, narito ang mga senyales na kulang o hindi sapat ang iyong kinakain:

MATAMLAY O WALANG KALAKAS-LAKAS

Isa sa senyales na kulang o hindi sapat ang nakukuhang nutrisyon sa mga kinakain ay ang kawalan ng lakas o pagi­ging matamlay.

Kung hindi sapat ang calories, magiging matamlay ang katawan at laging pagod ang pakiramdam. Ang kakulangan din sa calories ng katawan ay nagiging dahilan ng fatigue dahil sa kakulangan sa energy. Kaya kung nararamdaman ang ganitong sintomas, i-check ang mga kinakaing pagkain.

Piliin ang mga masusutansiyang pagkain nang maiwasan ang kahit na anong problema.

MADALAS NA PAGKAGUTOM

Isa pa sa dahilan ng hindi sapat ang kinakain ng isang tao ang pakiramdam na laging gutom. Kumbaga, kahit na kakakain lang ay naghahanap na naman ng ma­ngunguya o maipanlalaman sa tiyan.

Kung minsan, pina­lalampas natin ang ganitong pakiramdam. Iniisip nating dahilan lang ang madalas na pagkagutom dahil sa rami ng iniisip natin at ginagawa.

Gayunpaman, isa rin sa dapat nating tingnan ay baka kulang o hindi sapat ang ating kinakain kaya’t nakadarama tayo ng palaging pagkagutom.

PROBLEMA SA PAGTULOG

Marami sa atin ang hirap na makatulog. Minsan dala ito ng nadaramang stress. Kumbaga, hindi lamang ang overeating ang dahilan kung kaya’t na-hihirapang makatulog ang isang tao, kundi maging ang under-eating.

Ibig lamang sabihin nito, naka-link o may koneksiyon ang hirap o problema sa pagtulog sa kakulangan ng kinakain.

PAGIGING IRITABLE

Kapag gutom tayo, talaga nga namang hindi maiiwasang maging irritable tayo. Senyales din ito ng kulang ang ating kinakain o hindi sapat ang sus-tansiyang nakukuha natin sa mga pagkaing ­ating nilalantakan.

Kaya naman para maiwasan ang pagiging irritable, kumain ng sapat at masustansiyang pagkain.

ANXIETY

Anxiety, isa pa ito sa dahilan o sanhi ng under-eating. Hindi mabuti sa kalusugan ang nasabing kondisyon kaya’t hangga’t maaari ay nararapat lang itong iwasan.

Hindi lamang din sa mga under-eating o kulang ang kinakain nakikita ang nasabing kondisyon kundi maging sa mga overweight na sobrang baba o kakaunti ang calorie sa kanilang diyeta.

Para maiwasan ang anxiety, isang paraan ang pagkain ng tama, sabihin mang nagpapapayat o nagpapababa ng timbang. Siguraduhin ding healthy ang iyong kinakain.

Maraming dahilan kung kaya’t under-eating o hindi sapat ang kinakain ng isang tao. Puwedeng isa sa dahilan diyan ay nagpapababa ng timbang. O takot na tumaba kaya’t kakaunti lang ang kinakain.

Gayunpaman, ma­ging aware tayo sa ­ating kinakain. Kung ang mga nabanggit sa itaas ay madalas mong maramdaman, baka senyales na iyan na under-eating ka at nagrereklamo na ang iyong katawan. Tandaan, puwede naman nating mapanatiling healthy at fit ang ating pangangatawan, at iyan ay sa pamamagitan ng pagkain ng tama at masustansiya.

(Images source: healthline.com, health.harvard.edu, knoxwellnessexperience.com)

Comments are closed.