PINAALALAHANAN kahapon ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga employer na tiyaking makatatanggap ng separation pay ang kanilang mga manggagawa na kinakailangan talagang tanggalin sa trabaho bilang resulta ng impact sa ekonomiya ng krisis na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Ang pinapakiusap namin sa mga employer, kung kailangan talagang mag-terminate o mag-dismiss ng workers, for example, retrenchment, closure, huwag nilang kalimutan na ‘yung ating mga empleyado ay nangangailangan ng tulong, ‘yung kanilang employment benefits na separa-tion pay,” ayon kay Bello.
Sinabi pa ng kalihim na batay sa natanggap nilang report, halos 2.7 milyong indibiduwal sa bansa ang pansamantalang tumigil sa pagpasok sa trabaho o nasa ilalim ng flexible working arrangements dahil sa nararanasang krisis.
Samantala, mula Enero hanggang Hunyo 2020 naman, halos 70,000 empleyado na ang nawalan ng trabaho, at nasa 200 business establishments ang permanente nang nagsara dahil sa pandemic.
May mga kompanya na rin aniya na nagpasabi sa Department of Labor and Employment (DOLE) na plano nilang magtanggal ng mga empleyado, kabilang ang ilang major airlines gaya ng Cebu Pacific at Philippine Airlines, at maging hotels na ang operasyon ay limitado dahil sa krisis. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.