INAASAHANG daragsain ng mga maralita ang iba’t ibang serbisyong hatid ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) Serbisyo Caravan na gaganapin sa Barangay 178, Caloocan City sa darating na Hulyo 5.
Sa ilalim ng programa, ang mga serbisyo mula sa iba’t ibang government agencies at pribadong kompanya ay ihahatid nang direkta sa urban poor communities.
Napag-alamang dala ng Serbisyo Caravan ang libreng medical at dental check-up mula sa Department of Health (DOH) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), kasama na ang libreng gamot mula sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR). Ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Labor and Employment (DOLE) naman ang magkakaloob ng livelihood at business opportunities sa pamamagitan ng loans na may abot-kayang interest rate.
Magkakaloob naman ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng scholarships para sa tehnical-vocational courses.
Bukod dito, magsasagawa rin ang DOLE at Public Employment and Services Office (PESO) ng magkasabay na international at local job fairs, kasama ng Findwork Philippines at Grab Philippines.
Bitbit ng Findwork PH ang nasa 20 kompanya para sa job fair ng blue at white-collared jobs. Ang iba pang mga trabaho ay nasa manpower services, IT and communications, human resource at iba pa.
Samantala, ang Grab Philippines naman ay naghahanap ng 50 riders para sa on-the-spot hiring ng GrabFood at GrabExpress.
Naroroon naman ang e-mobile Patrol ng Land Transportation Office (LTO) para sa motor vehicle registration, issuance ng student permit at renewal ng driver’s license.
Ang mga dadalo ay maaaring mag-request ng mga dokumento mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) gaya ng CENOMAR, birth, marriage at death certificates. Nabatid na tutulong din ang Local Civil Registry sa mga kaso ng late registration of birth at corrections.
Ka-partner din ng PCUP ang Overseas Workers Welfare Authority (OWWA), Philippine Overseas Employment Authority (POEA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magkakaroon ng booths sa naturang programa para sa orientation sa pro-poor programs para sa mga maralitang taga-lungsod.
Para sa mga interesadong dumalo, magdala lamang ng mga kaukulang requirements para sa nais na serbisyo tulad ng valid identification card, biodata at iba pa. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.