SERBISYO CARAVAN NG DILG AT SI OKUBO BILANG NCRPO CHIEF

MAGANDA ang pamamahala ngayon ni Atty. Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr. sa Department of the Interior and Local Government (DILG) bilang kalihim.

Sa halos lahat daw ng lugar sa bansa, aba’y may programa ang ahensiya.

Kamakailan, inilunsad naman ng DILG Central Luzon ang Serbisyo Caravan na may temang #ProjectPagbangon.

Ito’y naghatid ng ngiti at saya sa tinatayang 800 residente ng Brgy. Siling Bata sa Pandi, Bulacan.

Kung hindi ako nagkakamali, ang programa ay bahagi ng Retooled Community Support Program (RCSP) na layong labanan ang banta ng insurhensiya.

Sinasabing ginagawa ito sa pamamagitan ng pagpapataas ng antas ng kamalayan ng mga residente ukol sa mga programa, proyekto, at serbisyo ng pamahalaan.

Nagpaulan ng iba’t ibang tulong ang tanggapan ni Abalos para sa mga residente.

Ilan sa mga serbisyong inihandog ng #ProjectPagbangon ay ang pagbabahagi ng libreng tsinelas at feeding program; pamamahagi ng vegetable seeds; blood pressure test, health kit, vitamin A; at bakuna para sa mga bata at senior citizens kontra tigdas, polio, at pneumonia.

Nagkaroon din ng libreng oryentasyon ukol sa Kabuhayan Program, Government Internship Program at Special Program for Employment; tulong pinansyal mula sa Livelihood Program; at libreng gupit at masahe para sa mga residente.

Samantala, maganda rin ang tinatahak na landas ngayon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ilalim ng bago nitong direktor na si Major General Edgar Alan Okubo.

Kilalang matapang si Okubo pero may puso naman ang mama sa mga mahihirap nating kababayan.

Dating miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) “Tagapagpatupad” Class of 1992, si Okubo na dating hepe ng PNP Special Action Force (SAF) ang pumalit kay Major Gen. Jonnel Estomo ng Philippine Military Academy (PMA) “Tanglaw-Diwa” Class of 1992 na na-promote naman bilang PNP Deputy Chief for Operations, ang 3rd “highest rank” sa organisasyon.

Sa ilalim ng pamumuno ni Okubo, walang tigil ang war on drugs.

Pinatitiyak ni Okubo na mahuhuli ang mga kriminal at sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na droga na gumagala sa mga lansangan.

Naku, pinatutugis din ng NCRPO chief ang lahat ng mga wanted persons o pusakal na kriminal na nasa kanilang areas of responsibility (AOR).

Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!