SERBISYO NG DOLE, ABOT-KAMAY SA TULONG NG MOBILE APP

Mobile app

MAYNILA –  ABOT kamay na ng publiko ang Department of Labor and Employment (DOLE) kasunod ng paglulunsad nito ng isang mobile application na nag-aalok ng iba’t ibang serbisyo nito sa mga manggagawa sa buong mundo.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang DOLE mobile application ay magbibigay daan sa mga manggagawa, partikular sa mga overseas Filipino worker upang mabilis na mabatid ang mga napapanahong balita at regulasyon sa trabaho at magkaroon ng mabilis na koneksiyon sa departamento at sa mga Philippine Overseas Labor Offices (POLO) sa kani-kanilang mga bansa.

“Ang application ay layong magbigay ng pangunahing daan para sa mga manggagawa at OFW upang mapalapit sa DOLE at sa POLO. Sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya, maaari na nilang idulog ang kanilang mga hinaing na may kaugnayan sa paggawa at iba pang reklamo,” wika ni Bello.

Maaari nang ma-download ng libre ang application sa Google Play Store para sa Android devices at sa App Store para naman sa mga Apple devices.

Isa sa pangunahing feature ng application ay ang ‘Wage Calculator’ na magbibigay daan sa mga gagamit upang makalkula ang kanilang suweldo kasama ng overtime, holiday pay, at iba pang mga kaltas sa sahod.

Magkakaroon na rin ng koneksiyon ang mga mang­gagawa at OFW sa mga hotline number, at contact details ng mga labor office sa ibang bansa sa oras ng pangangailangan at agarang tulong. Liban pa rito, tutulungan din ng application ang mga mang­gagawa na mahanap ang pinaka-malapit na sangay ng DOLE o ng POLO batay sa kanilang Global Positioning System (GPS) location.

Mayroon ring ‘submit an inquiry’ form kung saan ang mga gagamit ay maaaring magpadala ng kanilang katanungan, report, o rek­lamo/ mga paglabag ng kanilang mga employer sa departamento para sa naaayong aksiyon.

Sa tulong ng kanilang mobile devices, magkakaroon na ang mga manggagawa ng kaalaman sa kanilang mga karapatan at benepisyo sa pamamagitan ng pagtungo sa ‘Handbook for Workers’ Statutory Monetary Benefits – 2019 Edition.’

Nakalathala rin dito ang mga balita at anunsiyo na nakapaskil sa website ng DOLE, mga bureau at attached agency, at isang ‘hot jobs’ button na mayroong link patungo sa website ng PhilJobNet upang mas madali silang makahanap ng bakanteng trabaho na maaari nilang aplayan sa tulong ng mobile application.

Ang naturang mobile app ay isa sa mga hakbangin upang paunlarin ang pagbibigay serbisyo ng kagawaran at nakatakda itong pormal na ilunsad sa gaganaping ika-86 na anibersaryo ng DOLE sa susunod na buwan. PAUL ROLDAN

Comments are closed.