SALAMAT na lang at nakalabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) si Quinta ngayong araw. Ayon sa PAGASA bandang hapon ngayon ay patungo na sa bandang Vietnam ang nasabing bagyo.
May mga ilan pang bagyo ang mararanasan natin bago matapos ang taon na ito. Bagama’t nakapag-dulot ng pinsala si Quinta, may magandang balita rin ang pagbuhos ng ulan. Tila napuno na ang mga mahahalagang dam natin. Ito ay ang Ipo, La Mesa, Binga, Angat, Ambuklao, Caliraya, San Roque at Magat. Ang mga ilan dito ay mahalaga para sa suplay ng tubig sa Kalakhang Maynila. Matatandaan na nagkaroon tayo ng kakulangan ng suplay ng tubig noong panahon ng tagtuyot.
Subali’t ang nais kong talakayin ngayon ay ang serbisyong ginagawa ng Meralco sa tuwing panahon ng bagyo. Alam natin na ang Meralco ay handa at palaging naka-antabay sa tuwing nagkakaroon ng problema sa koryente.
Ang kanilang mga repair crew ay handang sumuong kahit saan mang lugar na nasasakop ng kanilang franchise area. At hindi lamang yan, ang Meralco ay tumutulong din sa labas ng kanilang franchise area kapag kailangan dulot ng matinding sakuna. Pumunta ang mga tao ng Meralco sa Leyte noong panahon ng bagyong Yolanda upang tumulong sa pagbalik ng koryente roon. Ganun din sa pagsabog ng bulkang Taal kamakailan. Andoon ang Meralco upang maibalik nang mabilis ang koryente sa kanilang abot kaya.
Maraming mabubuting tulong ang isinasagawa ng Meralco na hindi masyadong nalalalaman ng karamihan ng mga tao. Ang alam lamang nila ay umangal kapag mataas ang singil ng kanilang koryente. MInsan naman ay gusto nila ay agad magkaroon ng koryente matapos masalanta at mahagupit ng malakas na hangin at ulan ang isang lugar na nagre-resulta sa pagbgasak ng mga poste ng koryente.
Tama. Mataas dapat ang expectation natin sa Meralco na magbigay ng sapat at tamang serbisyo. Subali’t dapat din ay unawain natin na hindi basta-basta maibabalik ang suplay ng koryente lalo na kapag natumba ang poste sanhi ng malakas na bagyo.
Tandaan, hindi maaring basta basta papasok ang mga tao ng Meralco sa isang lugar kapag hindi pa ito nalilinis ng DPWH o LGU na nasasakop nito. Kailangan ay tanggalin muna ng DPWH at LGU, sa tulong din ng MMDA, ang mga natumbang punong kahoy at kung ano pa diyan bago makapunta ang Meralco upang ayusin at maibalik ang suplay ng koryente.
Tandaan din na sa pagsalanta ng bagyo, malaki ang nasasakupan na sira. Kaya naman inuuna ng Meralco ang lugar na dapat ay mabilis na maibalik ang suplay ng koryente tulad ng mga lugar na malapit ang ospital. Kaya naman sana ay isipin din natin ang ginagawang serbisyo ng Meralco sa atin upang magkaroon tayo ng tuloy-tuloy na suplay ng koryente.
Ang mahirap kasi sa iba sa atin may ugaling pulos kabig at walang tulak. Tulad na lamang sa naipon na kinunsumong koryente ng ilang buwan nang ilan sa mga customer ng Meralco. Anong gusto nila libre? Kapag nag brownout naman ay galit na galit sila sa Meralco? Parang pagbabayad lang ng tamang buwis ‘yan sa ating pamahalaan. Karamihan ng mga malakas bumatikos sa ating pamahalaan ay ang mga taong hindi nagbabayad ng wastong buwis.
Comments are closed.