ANG pag-usbong ng serbisyo ng internet sa bansa ay nagbigay-daan para sa mga makabagong produkto at serbisyo gaya ng mga digital bank.
Kaiba sa mga tradisyonal na bangko, ang serbisyo ng mga digital bank ay puro online lamang. Hindi na kinakailangan pang pumunta sa mismong bangko at pumila kung may nais gawing transaksyon gaya ng pagdedeposito ng pera o pag-withdraw ng ipambabayad sa mga gastusin sa bahay. Basta’t mayroong koneksyon sa internet, maaaring magamit ang serbisyo ng mga digital bank.
Ang pagkakaroon ng internet ay tila kabilang na sa mga pangunahing pangangailangan ng mga tao lalo na nang nagsimula tayong harapin ang pandemyang COVID-19. Dahil sa kabi-kabilang mga lockdown noon, halos lahat ng bagay ay kinailangang gawin online, kabilang dito ang pagbabayad ng mga utility bill, pagpapadala ng pera sa mga kapamilya at kaanak, pag-iipon ng pera, at iba pa.
Ito marahil ang dahilan kaya naging patok na patok sa mga konsyumer ang serbisyo ng mga digital bank sa bansa. Ilang pindot lamang sa computer o sa cellphone, maaari nang magawa ang mga bagay na ito. Makaiiwas pa sa exposure sa COVID-19.
Kamakailan, inanunsiyo ng Maya Bank, ang nangungunang digital bank sa bansa, na umabot na sa isang milyon ang bilang ng mga rehistradong customer nito limang buwan lamang matapos ng pampublikong paglulunsad na ginawa nito noong Abril 2022. Mula rin noong Abril, umabot na rin sa P10 bilyon ang halaga ng deposit balance nito.
Ang mabilis na pagtaas ng bilang ng mga tumatangkilik sa mga produkto at serbisyo ng Maya Bank ay sumasalamin sa kagustuhan at pangangailangan ng mga Pilipino sa pagkakaroon ng kombinyenteng karanasan sa digital banking kung saan ang lahat ng serbisyo na maaaring kailanganin o nais gawin ay nasa iisang plataporma na lamang. Hindi na kailangan magpalipat-lipat o magpapalit-palit ng bangko.
Sa tulong ng internet, tunay nga namang naging simple at kombinyente ang mga bagay-bagay sa ating buhay. Maraming mga kumpanya ang patuloy na nagpapatupad ng hybrid work setup kahit na maluwag na ang mga kasalukuyang protocol at wala nang mga lockdown. Sa taas ng presyo ng mga produktong petrolyo at mataas na antas ng inflation sa bansa, tiyak din na mas nakatitipid ang mga empleyado dahil hindi nito kinakailangang bumiyahe araw-araw papunta sa opisina.
Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng Cisco, isang global technology firm, napag-alamang nakatitipid ng humigit kumulang P6,300 kada linggo o P327,600 kada taon ang mga Pilipino dahil sa hybrid setup. Kaugnay ng pagiging accessible ng serbisyo ng mga digital bank gaya ng Maya, magiging mas madali para sa mga empleyado ang mag-ipon ng pera dahil mula sa kanilang mga payroll account, maaari na nilang ilipat nang derecho ang kanilang savings papunta sa kanilang bank account.
Ang pagtitipid na ito ay hindi lamang makatutulong sa pangangasiwa sa antas ng inflation sa bansa kundi magiging kapaki-pakinabang din para sa mga konsyumer, lalo na para sa mga may account sa mga digital bank. Kumpara kasi sa mga tradisyonal na bangko, mas mataas ang interest rate na kayang ialok ng mga digital bank para sa savings dahil sa mas mababang halaga na ginagastos nito para sa kanilang operasyon. Samakatuwid, mas mabilis lalago ang ipon ng mga konsyumer kung ito ay ilalagay sa mga digital bank.
Wala rin masyadong mga convenience fee at transaction fee na ipinapataw ang mga digital bank. Mas mataas ang halagang ginagastos ng mga tradisyonal na bangko sa operasyon nito dahil sa ito ay may aktwal na opisina, may ginagamit na mga equipment, at mas maraming tauhan. Bilang resulta, nangangailangan nitong magpataw ng mga transaction fee. Halimbawa, kung ang isang konsyumer na may account sa tradisyonal na bangko ay magtse-check ng kanyang account balance gamit ang automated teller machine o mas kilala sa tawag na ATM, maaari itong mapatawan ng transaction fee.
Ilan lamang iyan sa mga benepisyo ng paggamit ng serbisyo ng mga digital bank at ng digital banking. Maging ang mga tradisyonal na bangko ay mayroon na ring serbisyong online. Tunay na mas nagiging kombinyente ang mga bagay sa tulong ng internet.
Subalit upang lalong maging maaasahan ang serbisyong online ng mga bangko, digital man o tradisyonal, kinakailangan din ng maaasahang serbisyo ng internet. Kailangang makasabay sa bilis ng pagiging moderno ng mga produkto at serbisyo ang bilis ng serbisyo ng internet sa bansa upang mas lalo itong maging kapaki-pakinabang para sa mga konsyumer.