SERBISYONG MAKABAYAN NINA GOV. HELEN TAN AT MAYOR RJ MEA

SA pagpasok ng taon, nagbukas ang pinto ng pag-unlad at pag-asa para sa bayan ng Tiaong sa Quezon.

Ipinakita ng pamahalaang bayan na pinamumunuan ni Mayor RJ Mea ang kanilang dedikasyon sa pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo sa pamamagitan ng pagtanggap ng apat na bagong sasakyan na siguradong magpapabuti sa kalidad ng buhay ng mga residente.

Ito’y kinabibilangan ng DILG-BFP fire truck, PCSO ambulance, mini truck, at rescue 189 ambulance.

Sa pamumuno ni Mea, ang bayan ng Tiaong ay napagkalooban ng firetruck at PCSO ambulance na tiyak na magiging malaking tulong sa pangangailangan ng kaligtasan at kagalingan ng mga mamamayan. Ang kahusayan ng mga sasakyan na ito ay nagiging patunay ng maingat na pamamahala sa bayan.

Pinasalamatan ni Mea sina DILG Benhur Abalos at MMDA Romando Artes para sa maagang regalong BFP firetruck at maging kina PCSO General Manager Mel Robles at Judge Felix Reyes para sa ambulansya.

Sa darating na mga buwan, umaasa ang mga taga-Tiaong na mas marami pang proyektong makapagbibigay ng ginhawa sa bawat mamamayan.

Patuloy nating suportahan at ipagmalaki ang Tiaong, dahil sa pagkakaisa, ang tagumpay ng munisipalidad ay siguradong makakamtan.

Samantala, sa gitna ng hamon at pagbabagong hatid ng panahon, isang liwanag ang dumating sa Quezon Province sa anyo ng donasyon mula kay San Miguel Corp. (SMC) President at CEO Ramon Ang.

Ang kanyang bukas-palad na pagsuporta ay nagdulot ng malaking pagbabago sa larangan ng pangangalaga sa kalusugan ng ating lalawigan.

“Lubos po tayong nagpapasalamat kay Sir Ramon S. Ang sa pagkakaloob ng Fujifilm 128 Slice CT Scanner sa Quezon Provincial Hospital Network-Quezon Medical Center (QPHN-QMC). Sa unang pagkakataon, nagkaroon na tayo ng mataas na kalidad na CT Scan na magbibigay-diin sa mas mabilis, mas epektibo, at mas makabagong paraan ng diagnostic sa mga pasyente mula sa ating lalawigan at kalapit-probinsya,” ani Gov. Helen Tan.

Sinabi ni Tan na “ang pagkakaroon ng ganitong state-of-the-art na kagamitan ay naglalayong mapadali ang proseso ng pagsusuri, mabigyan ng agarang lunas ang mga medical condition, at higit pang mapabuti ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan.”

Aniya, isa itong hakbang patungo sa mas modernong healthcare system para sa bawat Quezonian.

Ngunit hindi lang daw dito nagtatapos ang malasakit ni Ang.

Binuksan din kasi niya ang pinto ng oportunidad sa kalusugan ng kababaihan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mammogram machine sa QMC.

Ang maagang pagtuklas sa breast cancer ay isang pangunahing hakbang sa pagbibigay ng pag-asa at pagkakataon sa mga kababaihang maaaring maapektuhan ng ganitong uri ng sakit.

Ayon kay Gov. Tan, ang lahat ng ito ay bukas para sa lahat, lalo na sa ating mga kababayang nangangailangan at walang kakayahang magbayad.

Isa itong malinaw na patunay na ang serbisyong pangkalusugan ay nararapat at dapat maramdaman ng lahat, anuman ang kanilang estado sa buhay.

“Maraming salamat, Sir Ramon S. Ang, sa inyong ‘di-mabilang na pagtulong at pagiging instrumento ng pag-asa para sa mamamayang Pilipino,” sabi pa ng masipag na gobernadora.

Patuloy sana kayong maging inspirasyon sa iba pa na magbigay ng kahulugan sa salitang ‘malasakit’ at maging bahagi ng pagtataguyod ng mas makabuluhang kinabukasan para sa ating bayan.