ni Riza Zuniga
ISANG seremonya ng Turnover ng 1734 Mapa ng Murillo Velarde ang naganap sa Philippine Coast Guard (PCG) kahapon. Sa pamumuno ni CG ADM Artemio M Abu, naisakatuparan ang pagtanggap sa makasaysayang mapa ng Pilipinas.
Nagpasalamat ng lubos si Commandant Abu kay Mel V. Velarde, Chairperson ng Asian Institute of Journalism and Communication (AIJC).
“Ang mapang ito ay makasaysayang regalo dahil ito ay inihanda ng isang Kastilang Heswitang Pari na si Padre Pedro Murillo Velarde para mailimbag,” ang sabi ni Commndant Abu sa kanyang talumpati.
Dagdag ni Commandant Abu, “Itinuturing ng World Digital Library na ang mapang ito ay kauna-unahang mahalaga at siyentipikong mapa ng Pilipinas.”
Sa kanyang paglalahad: “Ito ang pinakaina ng lahat ng mapa sa bansa. Hindi lang mahalaga sa Coast Guardians kung hindi maging sa bawat Pilipino dahil nagbibigay ito ng kasaysayan, heograpikal at kamalayan sa karapatan sa teritoryo.”
Nagpasalamat din si Commandant Abu kay Director CG Commodore Rudyard M Somera, CESE, dahil ang kanyang pinamumunuan na Coast Guard Strategic Studies and International Affairs Center (CGSSIAC) ang kumilos para maisakatuparan ang seremonya ng turnover.
Ipinahayag naman ni Velarde ang taos-puso niyang pagbibigay ng replika ng 1734 mapa ng Murillo Velarde sa PCG.
Ang dalawang replika ng mapa na donasyon sa PCG ay ilalagak ang isa sa opisina ng Commandant Abu at ang ikalawang mapa ay sa opisina ni Commodore Somera sa opisina ng CGSSIAC.
Binigyang halaga rin ni Velarde, “ang kahanga-hangang ginawa ng mang-uukit na si Francisco Suarez at alagad ng sining na si Nicolas Dela Cruz Bagay na matapos ang mapa sa panahong wala pang google o teknolohiya.” Ito nga ay isang makasaysayang dokumento dahil may mga panel sa gilid ng map na nagpapakita ng mga siyudad at isla sa bansa, kasama rin ang mga iba’t ibang etniko sa kapuluan.
Malaki ang naging bahagi ng mapa dahil ito rin ang nagamit sa panahong ipinaglalaban ang karapatan at soberanya sa West Philippine Sea. Isang arbitration case laban sa Tsina ang idinulog sa UN Arbitral Tribunal sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Taong 2019 nang ang mapa ay masubasta sa halagang P46.7M. Ang hamon ni Velarde sa Coast Guardians ay bigyang halaga at pangalagaan ang mapa.
“Ang halaga na ibinibigay mo sa mapa ay pagbibigay halaga mo sa pagiging Pilipino,” pagbibigay diin ni Velarde sa bawat Coast Guardian na dumalo sa seremonya.
Naging makabuluhan ang panunumpa ng mga opisyal ng PCG na mayroon silang mahalagang papel na ingatan ang mapa bilang bahagi ng pagka-Pilipino at pamana sa Asya. Kasama rin nito ang pagsasabuhay ng mga mithiin hanggang kahuli-hulihang sandali.
Ilang opisyal din ng AIJC ang nakarating sa seremonya, sina Olive Montecillo Villafuerte, President ng AIJC; Kristian Pura, Managing Director; at Therese San Diego Torres, Junior Director ng Rsearch, Policy and Advocacy (RPA).