SEREMONYA SA PAGBABALIK NG BALANGIGA BELLS SISIMULAN

Balangiga bell

MISMONG ang US Defense Department ang nangunguna sa gaga­wing seremonya sa Estados unidos kaugnay sa pagbabalik ng tatlong kampana ng Balangiga Church sa Samar.

Kinumpirma kahapon ng US Embassy sa Manila na ngayong araw pasisimulan ang seremonya sa Wyoming sa Amerika para sa proseso ng pagbabalik sa bansa  ng Balangiga Bells.

Base sa impormasyong ibinahagi ng US Embassy, mismong si US Defense Secretary James Mattis ang mangunguna sa seremonya na magiging hudyat ng pag-uumpisa ng proseso.

Sa pahayag ng US Embassy sa Maynila ang seremonya na dadaluhan ni Mattis ay gaganapin sa F.E. Warren Air Force Base sa Wyoming.

Matapos ang seremonya ay uumpisahan na ang proseso ng pagbiyahe ng mga kampana  sa bansa.

Una nang tumanggi si Pangulong Rodrigo Duterte na magkomento hinggil dito at sinabing magsasalita lamang siya kapag nakita niyang nasa bansa na talaga ang Balangiga Bells.

Maging si Defense  Secretary Delfin Lorenzana na lingid sa karamihan ay una ng naging aktibo sa pagla-lobby sa US Defense Department at US Senate para sa pagbabalik ng Ba­langiga Bells, ay tumang­ging magkomento.

Nabatid na bukod sa dalawang kampana na nasa Wyoming ay may isa pang kampana ang nasa Army Museum sa South Korea  na sinasabing nakakahon na at naghihintay na lamang na sunduin  kasabay ng dalawang kampana na nasa US.

Sinasabing magiging simbolo ng mas magandang ugnayan at pagpapatibay ng alyansa ng dalawang bansa ang desisyon ng Senado at Defense Department ng Amerika ang pagsasauli ng mga kampana na pag-aari ng sambayanang Filipino.  VERLIN RUIZ

Comments are closed.