BAKANTE na ang posisyon ng punong mahistrado ng Korte Suprema matapos na magdesisyon ang mga mahistrado nito na paboran ang quo warranto petition at tuluyang patalsikin sa puwesto si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno kahapon.
Sa isang landmark decision at botong 8-6, nagdesisyon ang mga mahistrado ng mataas na hukuman na alisin sa posisyon si Sereno, na itinalaga ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa puwesto, dahil sa pagkabigo nitong magsumite ng kanyang Statement of Assets, Lia-bilities at Net Worth (SALN).
Kabilang sa mga bumotong pabor sa pagpapatalsik kay Sereno ay ang mga Associate Justices na sina Teresita Leonardo-De Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Samu-el Martires, Noel Tijam, Andres Reyes Jr., at Alexander Gesmundo, habang tumutol naman sina As-sociate Justices Antonio Carpio, Presbitero Velasco, Perlas Bernabe, Mariano Del Castillo, Marvic Leonen at Benjamin Caguioa.
Mismong si Sereno, na kababalik lamang mula sa kanyang dalawang buwang leave, ang nag-preside sa en banc session dakong alas 10 ng umaga, ngunit nag-inhibit ito nang isagawa na ang deliberasyon sa quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida noong Marso.
Sa naturang petisyon, inakusahan ni Calida si Sereno na hindi kuwalipikado sa posisyon dahil sa pagkabigong tumalima sa requirement ng Judicial and Bar Council (JBC), na magsumite ng SALN mula taong 2009 hanggang 2011.
Hindi rin umano nagsumite ng SALN si Sereno, na nasasaad sa batas, ng 11 beses sa loob ng dalawang dekada niyang pagtuturo ng law sa University of the Philippines (UP), na isang state insti-tution.
Ikinakatuwiran naman ni Sereno na maaari lamang siyang mapatalsik sa posisyon sa pamamagi-tan ng impeachment.
Sinubukan din ni Sereno na hikayatin ang anim niyang kasamahan na mag-inhibit sa pagdede-sisyon sa petisyon ngunit tumanggi ang mga ito, kabilang sina de Castro, Peralta, Tijam, Jardeleza, Bersamin, at Martires.
Ang desisyon ay immediately executory, ngunit tiniyak ng kampo ni Sereno na iaapela nila ito. ANA R HERNANDEZ
KORTE SUPREMA NAGSALITA NA – PALASYO
“THE Supreme Court has spoken. We all must bow to the majesty of the law.”
Ito ang reaksiyon ng Malakanyang makaraang ilabas ng Kataas-taasang Hukuman ang mahigit sa 100 pahinang desisyon na nagpapatalsik kay Chief Justice Sereno bilang punong mahistrado ng bansa.
Sa press statement, sinabi ni Presidential Chief Legal Counsel na ang desisyon ng high tribunal ay pagpapatunay lamang na iligal ang pagkakaluklok kay Sereno.
“The Constitution has given the duty of interpreting the law to the highest court of the land and we must abide by it regardless of our disagreement with its ruling,” wika ni Panelo.
Sinabi pa ni Panelo na ngayong may pasiya na ang mismong mga kasamahan ni Sereno ay wa-la nang dahilan para umabot pa sa impeachment proceedings ang sitwasyon ng pinatalsik na punong mahistrado.
Iginiit ni Panelo na walang kinalaman ang Malakanyang sa quo warranto petition na isinampa ni Solicitor General Jose Calida. EVELYN QUIROZ