PINAL nang nagdesisyon ang Korte Suprema na patalsikin sa puwesto si Atty. Maria Lourdes Sereno bilang punong mahistrado ng Kataas taasang Hukuman.
Ito ay makaraang ibasura ng Korte Suprema sa kaparehong boto na 8-6 ang motion for reconsideration ni Sereno na humihiling na baligtarin ang naunang desisyon ng hukuman na pabor sa quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida.
Ayon sa Korte Suprema, luma na ang mga argumentong inilahad ni Sereno sa kanyang apela kaya walang dahilan para baligtarin ang kanilang May 11 decision.
Pinanindigan ng Korte Suprema ang nauna nitong pasya na hindi na dapat manungkulan pa si Sereno bilang punong mahistrado dahil sa kuwestiyonable na ang kanyang integridad.
Ito ay bunsod na rin ng kanyang kabiguan na regular na magsumite ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).
Nabunyag kasi sa pagdinig sa Kamara de Representantes na 11 beses na hindi nagsumite ng SALN si Sereno gayong 20 taon siyang naging bahagi ng University of the Philippines College of Law.
Ang walong mahistrado na bumotong pabor sa pagbasura ng motion for reconsideration ni Sereno ay sina Associate Justice Noel Tijam na ponente ng desisyon at Justices Teresita Leonardo-De Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Samuel Martires, Andres Reyes at Alexander Gesmundo.
Ang mga nag-dissent naman ay sina Acting Chief Justice Antonio Carpio, Presbitero Velasco Jr. , Mariano Del Castillo, Marvic Leonen, Estela Perlas-Bernabe, at Alfredo Benjamin Caguioa.
Dahil dito, iniutos na rin ng Korte Suprema na simulan na ng Judicial and Bar Council (JBC) ang proseso ng aplikasyon para sa susunod na Chief Justice.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, mayroong 90 araw para humirang ng bagong punong mahistrado magmula nang mabakante ang posisyon. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.