SERIAL ROBBERY SA BIR IKINABAHALA

Erick Balane Finance Insider

SA pagkakalathala sa espasyo ng serial robbery sa Bureau of Internal Revenue ay nabulgar na hindi lamang pala apat ang nabiktima ng sinasabing mga armadong lalaki na nanloloob sa bahay ng mga top official ng ahensiya at tinangay ang kanilang kayamanan, kundi  mahigit 10 na.

Ang nakatatakot ay itong napabalitang dalawang revenue district officers (RDOs) na hindi binanggit kung naka-assign sa Metro Manila o probinsiya, ang biktima ng kidnap-for-ransom pero hindi pa nakukumpirma ang insidente.

Narito ang statement ng BIR: “The Bureau of Internal Revenue is both surprised and alarmed at the news report that came out in one of the leading papers in the country of two RDO’s who were alledgedly victimized by a ‘kidnap-for-ransom gang. The tax agency said that the news reports of the alleged kidnapping is unverified and the amount quoted is speculative and without basis yet at this time. Although unverified and unconfirmed, the BIR is seriously looking  into the alledge incident to determine its varacity and to undertake the necessary actions, implementing security plan to protect its revenuers.”

Sa unang apat na biktima na binansagan nating alyas Cezar, Combs, Inday at Cory, na pawang nilooban ng mga armadong lalaki at tinangay ang kanilang kaha de yero, ay lumilitaw na mayroon pang mas nauna at pinakahu­ling biktima ang nasabing grupo.

Kinabibilangan ito ng  top executives ng BIR na may ranggong deputy commissioners, assistant commissioners, regional directors at revenue district officers.

Pero nakapagtatakang wala isa man sa kanila ang lumutang, nagreklamo at  nagpa-blotter laban sa tinaguriang serial robbery group.  Bakit? Marahil ay  natatakot silang balikan ng masasamang loob o hindi  nila maamin na may-ari sila ng bulto-bultong salapi na laman ng mga kaha de yero na tinangay ng mga ito at at baka maka­suhan dahil sa ‘illgotten wealth’.

Pero hindi mareresolba ng mga awtoridad ang kaso kung walang pormal na magrereklamo. Ma­linaw ‘yan, kung walang reklamo ay wala ring imbestigasyon.

Itong alyas Cezar ay naka-assign sa Large Taxpayers Service (LTS) ng BIR. Batay sa source, pinasok ng anim na armadong lalaki ang bahay nito at tinangay ang kanyang kaha de yero na naglalaman umano ng  mahigit P20 milyon.  Si alyas Cezar ay isa na ngayong retiradong opisyal ng BIR. Nagsimula siya bilang examiner, naging group supervisor, assistant RDO hanggang maging revenue district officer.

Natangay naman kay alyas Combs na nakatalaga sa BIR Makati City ang P15 milyon. Itong si alyas Cory ay naka-assign naman sa BIR Caloocan City. Ang matindi nito, sinasabing isang bigating intelligence officer ang asawa nito pero nasalisihan pa rin ng mga magnanakaw.

Sakmal ng takot itong si alyas ‘Cory’ nang pa­sukin ng armadong kalalakihan ang kanilang bahay. Tinutukan umano ito ng baril sa sentido at pilit na pinagsasalita kung sino ang iba pang opisyal ng BIR na alam niyang may milyones sa kaha de yero.

Hindi natin alam kung itong si alyas Cory ay napakanta sa sobrang takot. Ayon sa source, nasa 15 milyon hanggang P20 ­milyon din ang ­natangay sa kanya.

Ang pinakahuling biktima ay isang  alyas Inday na nakatalaga sa BIR Marikina City. Ganoon din ang style ng panloloob na ginawa sa kanya.

Alam marahil ng mga biktima na kung mag­rereklamo sila at makara­ting sa kaalaman ni ­Pangulong Digong ­Duterte ang pangyayari ay lalo silang malintikan dahil baka paimbestigahan pa sila at mayroon silang ganoong kalaking halaga na itinatago sa bahay.

Sabi ng ibang BIR officials, natatakot sila ngayon na baka isang araw ay ang bahay naman nila ang pasukin ng masasamang loob at madamay ang kanilang pamilya. Paano naman daw yaong mga matitino at sa malinis na ­paraan galing ang kanilang ­kayamanan?

Naniniwala silang iisang grupo lamang ang sumalakay sa bahay ng mga biktima subalit ang tanong nila, hindi kaya may kasabuwat itong taga-BIR kaya alam kung sino-sino sa mga opisyal ng kawanihan ang may kaha de yero na naglalaman ng milyones?



Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa  09293652344 o mag- email sa [email protected].

Comments are closed.