SA PATULOY na pag-ahon ng Phoenix, isa pang bayani ang lumutang at nagdagdag ng init sa playoff drive ng koponan sa PBA Commissioner’s Cup.
Matapos ni fellow rookie teammate Tyler Tio, si Encho Serrano naman ang lumutang at binitbit ang Fuel Masters sa isa pang back-to-back wins at hinila ang kanilang run sa limang laro matapos ang 0-3 simula sa import-spiced meet.
Ang Phoenix (5-3) ay kasalukuyang nasa fourth spot, kung saan pinangunahan ni Serrano ang malalaking panalo ng koponan kontra Rain or Shine at Talk ‘N Text.
Nagtala ang 19th overall rookie pick sa nakalipas na rookie draft ng 17.0 points sa mataas na 50 percent shooting accuracy, bukod sa 4.0 rebounds at 4.0 assists upang kunin ang Cignal Play-PBA Press Corps Player of the Week honor para sa Oct. 26-30 period.
Sinimulan ng dating La Salle stalwart ang kanyang impresibong linggo na may career-best 18 points, 5 rebounds, 5 assists at isang steal sa loob lamang ng 21 minutong paglalaro nang pataubin ng Phoenix ang Rain or Shine, 92-83, kung saan napili si Serrano bilang Best Player of the Game.
Kontra TNT squad, ang 2022 Draft Combine MVP ay hindi bumagal at nagposte ng 16 markers, 3 boards, 3 dimes, at isang steal sa 91-88 panalo ng Fuel Masters.
Ang magandang nilaro ni Serrano ay tinampukan ng clutch free throw sa final minute upang bigyan ang Phoenix ng 89-88 kalamangan bago sinelyuhan ni Tio ang panalo sa kanyang sariling freebies.
Kinonsidera rin sina Jeron Teng at Alec Stockton ng third running Converge, isang koponan na nasa winning streak din, para sa weekly citation na ipinagkakaloob ng mga regular na nagko-cover sa PBA beat.
CLYDE MARIANO