ISINUSULONG ng isang kongresista ang panukala kung saan ang ibinabayad na service charge sa mga restaurant ay ibibigay na lamang sa mga empleyado nito.
Sa House Bill 6650 na inihain ni CIBAC partylist Rep. Sherwin Tugna , binibigyang mandato ang mga restaurant owner na ipagkaloob ang nakokolektang service charge sa kanilang mga empleyado, kasama na rito ang cooks at waiters.
Sa ilalim ng panukala, 100% dapat ng service charge na kinokolekta sa mga restaurant ang ibigay sa mga empleyado.
Aniya, sa kasalukuyan ay 85% lamang ng service charge na ibinabayad ng mga customer ang napupunta sa mga restaurant employee habang ang 15% ay napupunta sa management o sa may-ari ng restaurant para naman sa operational cost.
Giit ni Tugna, ibigay na nang buo sa mga waiter at cook ang service charge at ang mga operational cost tulad ng mga nabasag na plato o baso ay ibawas na lamang sa suweldo ng nakagawa nito.
Katuwiran ng kongresista, hindi naman palagi ay may nababasag o nasisirang kagamitan sa mga restaurant.
Inaamyendahan din ng panukala ang Labor Code of the Philippines at sinusuportahan ang ipinaglalaban ng mga manggagawa sa bansa. CONDE BATAC