(Service contracting program ng LTFRB) KOMPENSASYON NG DRIVERS, OPERATORS IBIGAY NA

Senadora Grace Poe-5

KINONDENA ni Senadora Grace Poe ang pagpapabaya sa pagpapatupad ng service contracting program ng pamahalaan sa pangu­nguna ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Republic Act 11494.

“Nakakapanlumong ipinagkibit-balikat na lamang ng pamahalaan ang kahinaan nitong ipamahagi ang bayad sa mga ope­rator sa ilalim ng service contracting program,” ani Poe, chairperson ng Se­nate committee on public services.

Nauna nang inireklamo ng ilang drayber at ope­rator ang kabiguan nilang makatanggap ng kompensasyon para sa serbisyong kanilang ibi­nigay sa ilalim ng prog­rama.

Sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra sa panayam kamakailan na nakapagbayad na sila ng P1.25 bilyon o 26.55 porsiyento ng P5.58 bil­yon na inilaan para sa programa nitong Hunyo.

“Hindi katanggap-tanggap ang labis na kabagalan sa paglabas ng pondong pambayad sa mga operator at drayber na walang kapagurang naghatid sa ating mga frontliner araw at gabi,” ayon kay Poe.

Naghain si Poe ng isang resolusyong naglalayong imbestigahan ang mabagal na implementasyon ng service contracting program.

“Umasa tayong maibibigay nang mabilisan ang tulong pinansiyal sa mga PUV drivers. Sa halip, naipit ito sa embudo ng burukrasya,”diin ni Poe.

Kamakailan, natuklasan ng Commission on Audit (COA) na umabot lamang sa P59.72 milyon o 1.07 porsiyento ng P5.58 bilyon ang nagamit sa pondo sa ilalim ng batas.

Ikinabahala ni Poe ang natuklasan ng COA na naantala ng 11 buwan ang pagpapalabas ng pondo sa service contrac­ting program. Dagdag pa dito, tanging 2,125 mula sa 60,000 benepisyaryo ang naisama sa listahan ng   LTFRB.

“Hindi natin dapat maatim na balingan na lamang ng ganyang pagtingin ang ating mga ‘hari ng kalsada’ na palagiang kumakaripas para sunduin ang mga stranded na komyuter. Marami sa kanilang namamalimos na at walang kumakalinga,”giit ni Poe. VICKY CERVALES

6 thoughts on “(Service contracting program ng LTFRB) KOMPENSASYON NG DRIVERS, OPERATORS IBIGAY NA”

  1. Of course, your article is good enough, casino online but I thought it would be much better to see professional photos and videos together. There are articles and photos on these topics on my homepage, so please visit and share your opinions.

Comments are closed.