SERVICE CREW INAGAWAN NG CP

snatcher

NAARESTO ng Caloocan Police ang isang notoryus na snatcher na nambibiktima sa mga commuter at pedestrians sa Camarin, Caloocan City, Linggo ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores ang naarestong suspek na si Cornelio Medina Jr., 40, electrician ng 29 Zamora Compd., Brgy. 172, Urduja.

Ayon kay Col. Flores, alas-3:30 ng madaling araw, kasakay ni Jessa Mae Suñiga, 21, service crew ng Waling-waling St., Area C, Barangay 174, Camarin, ang suspek sa pampasaherong jeep at nagpapanggap na pasahero.

Nang huminto ang sasakyan sa kahabaan ng Camarin-Susano Road, Brgy. 172, Urduja dahil may bumabang pasahero, bigla na lamang sinunggaban ng suspek ang cellphone ng biktima bago mabilis na tumakas patungong Zamora Compd.

Ani Caloocan police deputy chief for administration PLtCol. Ferdie Del Rosario, humingi naman ng tulong ang biktima sa mga tauhan ng PCP-6 at sa ikinasang follow-up operation ay nadakip ang suspek na sasampahan ng kasong robbery sa piskalya ng Caloocan City. VICK TANES

Comments are closed.