SERVICE CREW NA NAGMURA SA 2 PULIS KULONG

arestado

CALOOCAN CITY – ARESTADO ang isang service crew matapos asarin, atakihin at murahin ang dalawang pulis sa lungsod na ito.

Nahaharap sa kasong dalawang bilang ng direct assault si Reymark Valerio, 21, ng Brgy. 176, Bagong Silang.

Sa nakarating na report kay Caloocan Police Chief Col. Noel Flores, alas-11:30 ng gabi, galing sa pagpapatrolya sina Pat. Jayson Dayag ng DMFB-NPD at Pat. Wilson Pepito ng Caloocan Police Community Precinct 3 nang biglang lumapit ang suspek at umupo sa motorsiklo ni Dayag na nakaparada sa parking lot ng isang shopping center sa Phase 5 Brgy. 176, Bagong Silang.

Tinangkang paandarin ng suspek ang motorsiklo at nang mapansin ni Dayag ang kanyang ginagawa ay nilapitan niya ito subalit sa halip na mapayapa ay sinugod nito ang pulis.

Nang awatin ito ni Pepito ay siya naman ang pinagbalingan nito saka minura at nagbanta pa.

Wala nang nagawa ang dalawang parak kundi damputin ang suspek at dalhin muna sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital para sa medical examination bago binitbit sa presinto. EVELYN GARCIA

Comments are closed.