SERYOSO ANG KAMARA SA IMBESTIGASYON SA KUWESTIYONABLENG PAG-ANGKAT NG ASUKAL

NAKUPU! Mukhang nangangatog na ang mga utak sa likod ng planong pagpapalusot sa pag-angkat ng mahigit 300,000 metric tons ng asukal na napigilan ni Pangulong Bongbong Marcos kamakailan.

Nabulaga ang maaari nating matatawag na ‘sindikato’ sa loob at labas ng Department of Agriculture (DA) nang malaman ni Executive Secretary Vic Rodriguez ang pagpasa ng isang resolusyon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) kung saan ay pinayagan nila ang pag-angkat ng asukal na nagkakahalaga ng halos P9 billion. Ang nakapagtataka pa rito ay walang pirma si PBBM bilang kinatawan ng DA at chairman ng SRA. Wow!

Pumutok ang isyu na ito at niyanig ang publiko sa planong importasyon na ito matapos biglang ipatigil ni PBBM ang nasabing hakbang. Samu’t sari ang balita at tsismis na lumabas dahil dito. Sa katunayan, ginawang oportunidad ito ng mga taong galit kay ES Rodriguez at siya pa ang pinaghihinalaan nilang utak sa likod nitong importasyon. Haaaay.

Iba’t ibang bersyon at pananaw ang sumusulpot kung sino ang utak sa likod ng planong ito. Maraming katanungan ang lumabas. Bakit pinirmahan ng mga opisyal ng SRA ang ganito kalaking halaga ng asukal na walang malinaw na pahintulot kay PBMM na nakaupo bilang Secretary ng DA at chairman ng SRA?

Totoo nga bang may kakulangan ng suplay ng asukal sa bansa o artificial lang at gawa-gawa ng mga dorobong negosyante upang tumaas ang presyo ng asukal at kikita sila nang malaki? May kasabwat bang mga opisyal ng DA sa nasabing sindikato na nagmamanipula ng presyo ng mga pangunahing bilihin ng agrikultura?

Kaya naman ang Kamara ay nagsagawa agad ng isang imbestigasyon dito upang malaman ang puno’t dulo nitong hakbang na ginawa ng mga opisyal ng SRA.

Ayon kay San Jose Del Monte City Rep. Florida ‘Rida’ Robes na siyang chairperson ng House Committee on Good Governance and Public Accountability, naniniwala siya na maaaring may tumutulak mula sa mga maimpluwensiyang grupo sa industriya ng agrikultura sa pag-angkat ng napakalaking halaga ng asukal.

Ang kontrobersiyal na Sugar Order No. 4 na pinirmahan ng mga SRA board members ay kahina-hinala, ayon kay Robes na kailangang imbestigahan. Dagdag pa ni Robes na dapat ay hindi pinirmahan ni DA Undersecretary for Operations and Chief-of-Staff Leocadio Sebastian ang nasabing kautusan lalo na at hindi malinaw na ipinaalam niya kay PBMM na kanyang boss sa DA at SRA.

Hindi pa nagustuhan ni Robes ang paliwanag ni Sebastian sa unang araw ng kanilang imbestigasyon.

“Kahapon when he was delivering his speech towards the committee parang masyado siyang determined sa sinasabi niya. Para sa akin, nagkamali ka na nga, nagsorry ka na nga, pero you keep on pushing that it was known. I don’t think so. Unang-una nakakausap niya ang Pangulo, nagrereport ka every day. Bakit kailangan mo ipirma ang Pangulo?” ang sabi ni Robes sa kanyang panayam sa media. Naniniwala ako na may mauungkat ang imbestigasyon ng Kamara.

Baka akala ng mga tiwaling personalidad sa gobyerno at ang kanilang mga kasabwat nilang mapang-abusong negosyante ay maaari silang makalusot sa mga kalokohan nila dahil mukhang mabait ang bago nating Pangulo at hindi tulad ng estilo ni dating Pangulong Duterte?

Teka, baka nagkakamali kayo. Sa ginawang paghinto ng Sugar Order No. 4 ni PBBM, malinaw na hindi siya papayag sa mga katiwalian sa kanyang administrasyon. Tandaan nating lahat na nais ni PBBM na linisin ang pangalan ng Marcos na siniraan, niyurakan ng ilang dekada matapos patalsikin sila sa kapangyarihan noong 1986. Ito na ang kaisa-isang pagkakataon niya na patunayan sa lahat ng naninira sa kanila na mali ang lahat ng mga akusasyon laban sa kanya at sa kanyang pamilya.

Kaya naman, malinaw ang mensahe ni PBBM sa Kongreso na ipagpatuloy nila ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa SRA upang malaman kung totoong may sindikato sa loob ng DA at mabuwag ito.

Malaki ang nakaatang na trabaho sa chairperson ng Committee on Good Governance and Public Accountability na si Rep. Rida Robes. Naniniwala ako sa husay at sipag ni Robes.