SERYOSOHIN ANG TUMATAAS NA KASO NG COVID-19

TULAD  ng palaging pinag uusapan natin mga ilang buwan na ang nakaraan pagkatapos ng halalan, tungkol sa posibleng pagtaas ng bilang ng kaso ng Covid-19 ay nagkatotoo na. Ayon kasi sa ulat ng OCTA Research noong huling linggo ng Abril, posibleng tumaas daw ang bilang ng kaso ng nasabing sakit dahil sa walang habas na kumpulan ng mga kababayan natin tuwing nagkakaroon ng campaign rally sa iba’t ibang lugar sa ating bansa.

Dagdag pa rito ay ang pagluwag ng estado sa Alert level 1 na ipinalabas ng inter-agency task force for the management of emerging infectious diseases ng DoH o IATF. Kaya naman karamihan sa ating mga mamamayan ay medyo maluwag o ibinababa ang kanilang pag-iingat laban sa Covid-19.

Nagmistulang ‘balik normal’ ang karamihan ng ating mga kababayan. Makikita natin na ang iba na hindi na nagsusuot ng face mask, ang mga kabataan ay nag kukumpulan sa mga basketball courts at nagpapa-liga ang mga kani-kanilang barangay. Tumaas na rin ang bilang ng mga nagbabakasyon sa mga lalawigan, siksikan muli sa mga malls at restaurant. Ang higit sa lahat, hindi na ginawang prayoridad ang pagbabakuna laban sa Covid-19.

Marami sa atin ay hindi na nagpa- second dose o booster shot dahil tila hinayaan na nila sa paniniwalang wala na ang Covid-19 sa bansa o kaya naman tapos sa ang panahon nito. Malaking pagkakamali ito.

Ayon sa datos ng DoH, ang aktibong COVID-19 cases nationwide ay lumagpas na ng 9,000. Batay sa pinakahuling ulat nitong nakaraang linggo, nagtala ng karagdagan 1,302 COVID-19 cases noong nakaraang Sabado. Dagdag pa rito, ang ating bansa ay nagtala ng mahigit na 1,000 new cases sa tatlong magkakasunod na araw simula noong ika-30 ng Hunyo. Ang kabuuang na bilang sa ngayon ay 3,706,951.

Bagamat ang variant o strain ng nasabing Covid-19 ay hindi kasing grabe noong unang sigwada ng pandemya, dapat ay mag-ingat pa rin tayo. Tandaan, pati ang siyensya o agham ay patuloy pa rin ang pag-aaral sa virus na ito. Hindi pa sila tiyak kung magkakaroon pa ito ng pagbabago o ‘ugali’ na maaaring magbago at magkaroon na naman ng panibagong variant na mas mabagsik. Huwag naman sana.

Sa ngayon, ang mga nakarekober at namatay sa COVID-19 simula nang nagsimula ang pandemya halos dalawang taon na ang nakalipas ay 3,637,268 (rekober) and 60,578 (namatay). Alam at ramdam natin na sa mga bilang na ito ay may mga kilala at kamag anak tayo na biktima nito.

Ayon sa pag-aaral ng OCTA Research, karamihan ng mga bagong kaso ng Covid-19 ay nagmula sa Metro Manila. Sa 625 nga mga bagong kaso, 139 ang naitala sa Quezon City, 83 sa Makati at Manila, 52 naman sa Parañaque, 40 sa Pasig, 38 sa Pasay, 34 sa Las Piñas at Mandaluyong, 29 sa Taguig, 24 sa Muntinlupa, 20 sa Marikina, 11 sa San Juan, 10 sa Valenzuela, 6 sa Malabon at 5 sa Navotas. Ang Pateros lamang ang hanggang sa aking pagsusulat ng kolum ko ay walang kasong naitala na may tinamaan ng Covid-19.

Pero huwag pa rin tayo magpabaya. Seryosohin natin ang ulat ng DOH at pag-aaral ng OCTA Research.

Naging matagumpay ang ating bansa sa pagbaba ng kaso ng Covid-19 dahil sa pakikipagtulungan natin sa gobyerno sa mga polisiya upang hindi kumalat ang nasabing sakit. Sa pagpasok ng bagong administrasyon ni PBBM, magtatalaga pa siya ng papalit kay Health Sec. Francisco Duque.

Tulungan natin ang kasalukuyang sitwasyon sa pamamagitan ng mas maingat na pakikipaghalubilo sa matataong lugar. Kung maaari, manatili na lang sa bahay kung wala namang mahalagang pupuntahan ay mas mainam. Sa mga nagtatrabaho naman, siguraduhin ang palaging pagsuot ng face mask at laging isaisip ang social distancing. Siguraduhin na laging malakas ang pangangatawan at kalusugan.

Maghugas lagi ng kamay o mag-alcohol ng kamay tuwing may hinahawakan na bagay sa mga pampublikong lugar.

Higit sa lahat ay magpabakuna laban sa Covid-19. Kung kulang pa ang ikalawa o ikatlong bakuna ay pumunta na tayo sa pinakamalapit na vaccination center na malapit sa inyo.